Emojis pampalakas sa password?

Kabilang na sa mahalagang gamit sa kasalukuyang panahon ng digital ang password. Isa itong mahalagang rekado sa pagbubukas at pagmamantini ng mga account sa iba’t ibang website sa internet, apps, email at social media account, at maging sa mga computer, smartphone, laptop at iPad o tablet.

Kailangan ito dahil naglipana ang mga hacker, spammer, at ibang mga cybercriminal  na isa sa mga dahilan kaya merong mga website na mapili at mahigpit sa pagtanggap ng mga password na dapat malakas, naiiba, mahirap mahulaan, walang ibang nakakaalam kundi ang gumagamit nito, malakas  at hangga’t maaari ay dapat ginagamit lang sa iisang account.  Mainam din na maging malikhain sa paggawa ng password. Hindi sapat na puro letra lang o numero ang bumubuo rito.

Isa namang cybersecurity expert na si Stan Kaminsky ng Kaspersky ang nagrerekomenda na isama sa ginagawang password ang tinatawag na emoji.

Pamilyar sa mga gumagamit ng mga social media ang emoji na humalili sa emoticon noong araw. Isa itong maliit na imahe na kumakatawan sa iba’t-ibang ekspresyon ng mukha tulad ng pagtawa, pag-iyak, pagkindat, galit, ngiti, pagkagulat, bungisngis, lungkot, ismid, simangot’ seryoso, at iba pa. Maraming klase ng emoji ang makukuha sa mga social networking site, smartphone apps, messaging platform at sa internet sa pangkalahatan.

“Kapag sapilitang  ipinapasok ng isang pakialamero ang isang password na naglalaman ng mga letra, numero at punctuation marks, wala pa sa daan-daan ang bilang ng sari-saring uri ng bawat simbolo  na kanilang pagpipilian,” paliwanag ni  Kaminsky sa isang ulat ng New York Post. “Pero mayroong mahigit 3,600 standardized emojis sa Unicode kaya kapag nagdagdag nito sa iyong password, mapipilitan ang mga hacker na magpaikot-ikot sa 3,700 variant bawat simbolo.”

Sa teorya, ang isang password na merong limang emoji ay katulad din ng tradisyunal na passkey na merong siyam na karakter. Ang pitong emoji halimbawa ay katumbas ng 13 regular character.

Mas madali rin tandaan ang emojies kaysa sa mga pinaghahalong letra, numero at punctuation at hindi madalas nagagamit sa puwersahang atake ng mga hacker para makapag-log in sa isang account gamit ang mahabang listahan ng potensiyal na password.

Gayunman, nagbabala si Kaminsky na hindi lahat ng website ay tumatanggap ng emoji sa password at maaaring magpabagal sa login process ang paggamit ng napakaraming emoji sa isang passkey. Ibig sabihin, magagamit lang ang emoji sa paggawa ng password kung tatanggapin ito ng pinapasok na account.   Iwasan din  ang mga emoji na karaniwang nagagamit at magdagdag ng isa o dalawang emoji sa isang tradisyunal na password na binubuo ng mga  letra at numero.

Idiniin naman niya na ang emojis ay hindi alternatibo o pamalit sa tradisyunal na mga panseguridad na sistema tulad ng mahabang password, password manager at  two-factor authentication.

Nabatid na ang unang emoji ay nilikha noong 1999 ng Japanese artist na si  Shigetaka Kurita. Nahiram niya ang idea nito sa mga weather forecast na gumagamit ng mga simbolo, Japanese character, street signs at manga, isang istilo ng Japanese comic na gumagamit ng standard group of symbols na nagpapakita ng mga emosyon at konsepto.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments