NAKAPAGTALA ng bagong world record ang isang babae sa U.S. matapos itong mag-gantsilyo sa loob ng 36 na oras nang walang tigil!
Noong nakaraang Nobyembre 13, kinumpirma ng Guinness World Records na si Alessandra Hayden ng Gig Harbor, Washington ang pinakabagong may hawak sa titulong “Longest Marathon Crocheting”. Ito ay matapos walang tigil na naggantsilyo si Hayden sa loob ng 36 na oras at pitong minuto.
Ayon kay Hayden, matagal na niyang pangarap mapabilang sa Guinness Book of World Records. Pero ang gusto niya ay may kinalaman ang titulong hawak niya sa isang bagay na malapit sa kanyang puso.
Kaya naisipan niya na tungkol sa paggagantsilyo ang kanyang subukan i-world record attempt dahil sa tuwing siya’y naggagantsilyo, natatandaan niya ang kanyang lola na nagturo sa kanya kung paano gawin ito.
Walong taong gulang nang matuto si Hayden na maggantsilyo. Malikot siyang bata noon kaya upang pumirmi sa isang lugar, tinuruan siya ng kanyang lola na maggantsilyo. Simula noon, kinahiligan na niya ito.
Sa kanyang world record attempt, malaki ang naitulong ng kanyang mister at anak upang makamit ang titulo. Ang mister niya ang naghanap ng mga magiging witness at ito na rin ang nag-asikaso ng mga papeles na isusumite sa guinness. Anak naman niya ang nagsusubo ng pagkain at inumin upang hindi siya tumigil sa paggagantsilyo.
Ang blanket na nabuo ni Hayden sa kanyang world record attempt ay naibenta sa isang school auction sa halagang $2,000.