Bakit mababaho ang mga tao noon?
NOONG panahon ng *Middle Ages, ang paniwala ng mga tao ay masama ang maligo dahil ito ay pagmumulan ng sakit. Humantong sa puntong ang akala ng mga tao ay kasalanan sa Diyos ang paliligo. Nagpatuloy ang paniwalang ito hanggang 1600s. Nang panahong ‘yun, hindi mahalaga sa mga tao ang kalinisan sa katawan.
Kung may tao man na naliligo, iyon ay mayayaman lamang na kailangan pang magpainit ng tubig. Ang pinakulong tubig ay hahakutin ng mga alila mula kusina patungo sa bath tub na kadalasan ay yari sa kahoy o copper. Ang bath tub ay pupunuin ng tubig na pinakulo para paliguin ng amo.
Nang naimbento ang sabon, para itong ginto sa sobrang mahal. Dahil dito, ang sabon ay ginagamit lang ng mayayaman para ipanghugas ng mukha, leeg, kamay at paminsan-minsan ay paa.
Kadalasan, amoy anghit ang mga taon noon at mababaho ang hininga. Para maitago ang mabahong amoy ng katawan, ang mga babae ay may nakapulupot na bag sa baywang na may lamang aromatic potpourri.
Sinasabing ang pabango ay inimbento para mapagtakpan ang mabantot na amoy ng mga tao. Nang maging conscious na ang ibang tao tungkol sa kanilang mga ngipin, gumagamit sila ng kapirasong basahan upang ipangkuskos sa ngipin. Gagawa sila ng toothpick mula sa kahoy o ivory para ipangsungkit ng tinga.
Si Queen Elizabeth I ay napakalinis na babae kaya naliligo siya isang beses kada buwan. Oo, malinis nang matatawag ang paliligo once a month nang mga panahong iyon.
Si Queen Isabella ng Castile (1451-1504) ay nagyayabang na dalawang beses siyang naligo sa buong buhay niya, noong ipinanganak siya at bago siya ikasal. Siya ang reyna na gumastos sa voyage ni Christopher Columbus na naging daan upang matuklasan ang America.
Pero bihira mang maligo ang mga tao noon, regular nilang nililinis ang kanilang kuko at laging sinusuklay ang buhok.
* Middle Ages—period sa European history mula 5th century hanggang 15th century.
- Latest