Dear Attorney,
May basehan po ba ang gagawin ng agency namin na ipi-fix daw ang 13th month pay sa P10,000? Mas maliit po kasi ito sa sinasahod ko buwan-buwan.—Cha
Dear Cha,
Kapag may itinakda ang batas, kailangan itong sundin kaya hindi maaring mag “fix” ng sarili nitong 13th month pay ang agency n’yo.
Hindi lamang ang pagbibigay ng 13th month pay ang ipinag-uutos ng batas. Nakasaad din sa batas kung paano dapat i-compute ang 13th month pay kaya tiyak kung magkano ang tamang halaga na matatanggap ng isang empleyado.
Malinaw sa batas na ang 13th month pay hindi dapat bababa sa one-twelfth ng kabuuang sahod na natanggap ng isang empleyado mula sa kanyang employer sa loob ng kasalukuyang taon. Upang makuha ang tamang halaga ng 13th month pay na matatanggap , kailangan lang sumahin ang natanggap na sahod sa buong taon ng isang empleyado at pagkatapos ay i-divide o hatiin ito sa 12.
Kaya sa madaling sabi, labag sa batas ang balak na mangyari ng agency niyo. Kung sakaling ituloy nila ang pag “fix” ng 13th month pay niyo ay puwedeng-puwede kayong magreklamo upang mapilitan silang bayaran kayo ng tamang halaga ng 13th month pay na dapat ay matanggap ninyo.