“Makipagkuwentuhan tayo kay Manang Rose isang araw. Naiintriga ako sa sinabi niya na gusto rin niya nun ang simpleng kasal,’’ sabi ni Gino.
“Mapilit kaya natin siyang magtapat o magkuwento. Di ba parang walang nasasabi kahit anuman si Manang sa atin. Ang tagal na nating nakatira sa kanya pero wala tayong alam sa personal na buhay niya.”
“Oo nga. Ang alam lang natin ay dati siyang teacher sa pribadong school at maliban dun, wala na.’’
“Oo Gino. Talagang hanggang dun lang.’’
“Kanino pa kaya tayo dapat magtanong?’’
“Ikaw ang mag-research dahil ikaw ay pamangkin.’’
“Oo nga pamangkin ako pero nag-iisa ako dahil si Mama at si Manang ay dalawang magkapatid lang. Nang mamatay si Mama, wala nang ibang nakaaalam sa story ni Manang.’’
Nag-isip si Eliz.
Maya-maya, may biglang naisip.
“Alam ko na, Gino!’’
“Ano?’’
“Ang papa mo! Baka may alam siya’’
“Oo nga si Papa. Tiyak na may alam siya ukol kay Manang.’’
“Di ba nagkakausap naman kayo ng papa mo?’’
“Oo. Nung isang araw lang e nagkausap kami.’’
“Tanungin mo siya.’’
“Sige, tatawagan ko siya mamayang gabi.’’
“Balitaan mo ako ha?’’
“Oo.’’
Tinawagan ni Gino ang kanyang papa kinagabihan at nagulat siya sa sinabi nito.
“May dating nobyo si Manang, Gino. Teacher din ang lalaki. Nakatakda na silang pakasal pero isang buwan bago ang nakatakdang kasal ay hindi nagpakita ang lalaki. Nagtaka kami kung bakit. Hanggang dun lang ang alam ko, Gino.’’
“Salamat Papa.’’
Natapos ang pag-uusap nila.
Sinabi ni Gino kay Eliz ang natuklasan.
“Kausapin natin si Manang.’’
Tinungo nila ang room ni Manang.
“Manang puwede ka bang makausap?’’
“Oo halikayo.”
(Itutuloy)