LAHAT na yata ng santo ay tinawagan na ni Mina upang tumino ang anak na si Daryl ngunit tila tinitikis siya ng tadhana. Kahit diborsiyado sa asawa si Mina ay regular na sinusustentuhan nito ang anak. Si Mina naman ay chef sa isang five-star hotel sa Mebourne, Australia. Kamakailan lamang ay nasangkot ito sa pagnanakaw sa isang jewelry store. Nagkunwari itong kostumer at isinusukat ang gold necklace ngunit nang makalingat ang saleslady ay ibinulsa ang alahas at dali-daling umalis. Hinabol ito ng guard, nakuha sa bulsa ang alahas na ipupuslit sana kaya humantong ito sa kulungan. Nagsampa ng kaso ang may-ari ng tindahan. Pansamantalang nakalaya si Daryl sa bisa ng piyansa.
Nagkataong kaibigan ng amo ni Mina ang may-ari ng jewelry store kaya ito ang naging tagapamagitan ni Mina upang pakiusapan ang may-ari na iurong na ang demanda at babayaran na lang ng doble ang alahas na ninakaw. Pumayag ang may-ari. Humabi na lang ng magandang kuwento si Mina para may maganda siyang maipaliwanag sa judge kung bakit makatwirang iurong ng may-ari ang demanda sa kanyang anak. Dumating ang araw ng hearing. Nakiusap si Mina sa judge na pagsalitain siya:
“Ako po ay suki na ng jewelry shop na iyon. Lingid sa kaalaman ng aking anak, bumili ako ng gold necklace sa shop na iyon upang ipanregalo sa kanya. Binili ko iyon sa pamamagitan ng lay-by payment (installment). Natapos ko na pong bayaran ang alahas ngunit hindi ko pa ito kinukuha sa shop dahil hinihintay ko ang birthday niya next month. Nagkataon po na ang kinuha niyang kuwintas ay the same item na ni-lay-by ko. Kaya technically, pag-aari na niya ang kuwintas na sinasabing ninakaw niya. You honor, unang pagkakasala lang po niya ito. Sana po ay mapawalang-sala na siya.”
Tumangu-tango ang judge.
Iniurong ang demanda at ipawalang-sala si Daryl. Napahipo si Daryl sa suot na bracelet na may nakaukit na mukha ng Buddhist monk. Sa loob-loob niya, mukhang totoo ang sinasabi sa internet na ang bracelet niya ay “lucky charm”. Imagine, nakalusot siya! Ngunit saglit lang ang tuwa ni Daryl dahil sa hindi malamang dahilan, bigla na lang natanggal ang bracelet sa kanyang braso. Tumalsik sa harapan ng abogada ng may-ari ng jewelry shop na katabi ni Mina. Nanlaki ang mata nito at nang damputin, halos mapahiyaw ito sa tuwa:
“My God! Ito ang bracelet ng aking mister na basta na lang hinablot ng isang lalaki. Nakaukit sa likod ang pangalan ng Buddhist monk na gumawa at nag-orasyon sa amulet na ito.” Tinitigan ng abogada si Daryl. “Ang mukha mo, nagma-match sa ibinigay na description ng aking asawa. Ikaw ang snatcher!”
Napawalang-sala sa isang kaso ngunit nasampahan ulit ng panibagong kaso si Daryl dahil sa “lucky charm” na ninakaw niya. Kahit pala amulet ay hindi nangungunsinti ng kasamaan.