“Paano nalaman ni Mama ang address natin at nakapagpadala ng pera?’’ tanong ni Eliz.
“Nung magtungo siya sa school nun, tinanong niya sa akin ang address natin, Ate. Hindi ako makatanggi,’’ sabi ni Ella. Nakatingin lang si Emmie.
“Sana hindi mo ibinigay. Alam mo namang ayaw ko nang magkakaroon ng komunikasyon sa kanya.’’
“Sori Ate pero hindi ko nagawang tumanggi dahil nagmakaawa siya. Umiyak pa siya Ate.’’
“Umiyak? Paanong iyak?’’
“Tumulo ang luha.’’
Binalingan ni Eliz si Emmie.
“Totoo ba Emmie ang sinasabi ni Ella?’’
“Oo Ate. Sabi pa nga nagsisisi siya sa mga nagawa niya.”
“Sinabi yun?”
“Oo Ate. Matagal nga ang pagnguyngoy,’’ sagot ni Emmie.
“Ano pang sinabi?’’
“Mag-ingat daw kami palagi—pati rin daw ikaw Ate.’’
Umingos si Eliz.
“Sinabi ba kung kukunin kayo rito?’’
“Walang sinabi Ate,’’ sagot ni Ella.
“Sa palagay mo kukunin kayo?’’
“Palagay ko ay hindi Ate.’’
“Bakit?’’
“Kasi sa tingin ko, sising-sisi siya sa nagawa.’’
(Itutuloy)