ISANG lalaki sa Australia ang pinaniwala ang kanyang girlfriend na siya ay na-kidnap para ipagdiwang ang New Year’s Eve kasama ang kanyang kabit!
Kinasuhan ang 35 anyos na si Paul Lera matapos siyang gumawa ng kasinungalingan sa kanyang kasintahan.
Noong Disyembre 31, 2022, nagpaalam si Lera sa kanyang girlfriend na hindi niya ito masasamahan na mag-celebrate ng bagong taon dahil may mahalaga siyang meeting na dadaluhan. Pero ang totoo ay makikipagkita siya sa kanyang kabit.
Para makapagsama pa sila nang matagal, nagpanggap na kidnapper ang kabit at tinext nito ang girlfriend na nagsasabing kinidnap niya si Lera at para pakawalan niya ito ay kailangan nitong ibigay ang motorsiklo nito.
Agad humingi ng tulong ang girlfriend sa mga pulis. Dahil dito, bumuo ang Lake Illawarra Police District ng task force na maghahanap at magliligtas kay Lera.
Pagsapit ng Enero 1, 2023, natunton ng mga pulis si Lera at ang kanyang kabit sa isang checkpoint. Pinanindigan ni Lera na siya ay nakidnap pero siya ay nakatakas sa kanyang mga kidnappers.
Nakakita ng inconsistencies ang mga pulis sa mga pahayag ni Lera at ng kabit kaya matapos ang mahigit dalawang linggong imbestigasyon, napatunayan na pineke niya ang kidnapping at inabala niya ang mga awtoridad na nagkakahalaga ng 200 hours police work na may equivalent na 25,000 Australian dollars na nasayang na tax money.
Naharap sa pitong taon na pagkakakulong si Lera pero nang umamin ito na ginawa niya ang krimen para pagtakpan ang kanyang pangangaliwa sa girlfriend, bumaba ang kanyang sentensiya ng 350 hours community service at multa na 16,218 Australian dollars.