Manang Rose (154)

Habang nakasakay sa taxi sina Eliz, Gino at Neil patungo sa bahay na kinaroroonan ni Emmie, maraming naiisip si Eliz. Ano na ang nangyayari kay Emmie na naiwan sa loob ng bahay? Pinagsasamantalahan na ng manyakis na ka-live-in ng kanyang mama? At nasaan na si Ella? Saan nakarating si Ella. Kaninang nakausap niya ay tumatakbo sa kalsada makaraang makalabas sa bahay. Kasunod ay ang malalim niyang pagbuntunghininga.

Napansin ni Gino ang kasintahan.

“Relaks lang, Eliz.Walang mangyayaring masama sa mga kapatid mo,’’ hinawakan ni Gino ang palad ni Eliz. Malamig ang palad nito.

“Natatakot ako, Gino. Baka nagtagumpay na ang walanghiya!’’

“Kalma ka lang. Malapit na tayo.’’

Si Neil na nasa unahan, katabi ng drayber ay napapasulyap sa kanila. Nakita marahil ni Neil ang paghawak ni Gino sa palad ni Eliz. Hindi pa alam ni Neil na magkasintahan ang dalawa.

Maya-maya pa, nakarating na sila sa lugar.

“Para mama!’’ sabi ni Gino.

Binayaran ni Gino.

Mabilis silang bumaba.

Hanggang makita nila si Ella na nagla­lakad sa di-kalayuan.

“Ella! Elllaaaa!’’

Tumakbo si Eliz sa kapatid. Napatakbo rin sina Gino at Neil.

“Ella, nasan si Emmie?’’

“Nasa bahay Ate. Tumawag na ako sa barangay. Nasa bahay ang mga taga-barangay!’’

Tinungo nila ang bahay.

(Itutuloy)

Show comments