ISANG lalaki sa Spain na may sakit at depresyon ang nakikiusap sa mga awtoridad na ipasok siya sa bilangguan!
Namataan kamakailan ng mga journalists sa Spain ang 60-anyos na si Justo Marquez na nakaabang sa labas ng Alhaurin de la Torre Prison habang may suot na placard na nagsasabing “Quiero ir a la carcel” na ang ibig sabihin ay “Gusto kong makulong”.
Sa panayam kay Marquez, nakausap na niya ang prison warden ngunit hindi siya pinahintulutan nito sa kanyang voluntary incarceration. Nang tinanong ito ng mga reporter kung bakit niya gustong makulong, sinabi nito na mayroon siyang cancer, depression, anxiety at sakit sa puso. Dahil dito, nakakaranas siya nang matinding kalungkutan at sa tingin niya ay ang paninirahan sa kulungan ang makababawas sa kanyang lungkot.
Naranasan na ni Marquez makulong ng dalawang taon dahil sa drugs noong siya’y binata pa. Tatlong dekada na siyang hindi lumalabag sa batas ngunit sa tingin niya ay kulungan ang pinakamainam na lugar para sa kanyang kalagayan ngayon.
May limang anak si Marquez at nakatira ang mga ito sa malayo at matagal na niyang hindi nakakausap ang mga ito. Kahit gusto niyang makulong, wala siyang balak na gumawa ng kahit anong krimen dahil ayaw niyang ikahiya siya ng kanyang mga anak.
Napag-alaman na ilang beses ng ni-refer sa mental health services si Marquez ngunit ayon dito, wala itong naibigay na improvement sa kanyang kalagayan. Sa kasalukuyan, patuloy na nakaabang si Marquez sa labas ng Alhaurin de la Torre Prison at umaasang makukulong siya rito balang araw.