Dear Attorney,
May isinampa po akong reklamo laban sa aking dating employer. Nakatanggap na po ako ng notice mula sa NLRC na may hearing na raw na gaganapin pero wala pa po akong nakukuhang abogado. Puwede ba akong umattend ng hearing kahit ako lang at wala akong kasamang attorney? —Mario
Dear Mario,
Puwede kang dumalo ng hearing kahit wala kang kasamang attorney. Sa ilalim ng Labor Code, maaring humarap ang isang hindi naman abogado sa mga pagdinig ng National Labor Relations Commission o NLRC sa mga sumusunod na pagkakataon: (1) kung ang haharap ay ang siya mismong nagrereklamo; (2) kung siya ay kinatawan ng isang lehitimong unyon o ng mga miyembro nito na partido sa kasong isinampa sa NLRC o (3) kung siya ang may-ari o presidente ng kompanya na isa sa mga partido sa nakasampang kaso.
Dahil ikaw naman ang siyang mismong complainant o nagrereklamo, maari kang dumalo sa pagdinig kahit wala kang representasyon ng isang abogado.
Gayunpaman, kung sakaling hindi kayo magkasundo ng inirereklamo mo at magpatuloy ang takbo ng kaso ay kakailanganin mo pa rin ang serbisyo ng isang attorney para halimbawa sa paggawa ng position paper at ng iba pang dapat isumite sa labor arbiter na nangangailangan na ng legal na kaalaman na taglay ng isang abogado.
Mainam na ngayon pa lang ay makapaghanap ka na ng abogado upang hindi ka nagmamadali kung sakaling may kailangan ng isumiteng mga dokumento para sa kaso mo.