ISANG kotseng sedan na may sakay na malaking toro ang hinuli ng mga pulis sa northeast Nebraska!
Sa una ay hindi maunawaan ni Norfolk Police Captain Chad Reiman matapos siyang makatanggap ng report mula sa 911 dispatcher na may namataang kotse sa main highway ng Norfolk na diumano’y may pasaherong toro sa passenger seat.
Sa tingin kasi niya ay imposibleng makapagsakay ng toro ang isang kotseng sedan. Saka lamang niya naintindihan ang report nang mismong makita niya ito. Ang naturang kotse sa report ay isang modified Ford Crown Victoria na tinanggal ang kalahati ng windshield at bubong para magkasya ang toro. Ang passenger side door nito ay pinalitan ng metal cattle gate para doon itali ang toro.
Ayon sa may-ari ng kotse at toro na si Lee Mayer, minodify niya ang kotse para may masakyan ang kanyang toro na nagngangalang Howdy Doody. Walong taon na niyang alaga ang toro kaya pamilya na ang turing ni Mayer dito at gusto niyang maisama ito sa kung saan siya pumupunta.
Ayon pa kay Mayer, kalimitan ay sa countryside lamang niya ipinagmamaneho ang toro at ngayon lamang niya ito nadala sa main road ng siyudad ng Norfolk.
Ilang traffic violations ang nalabag ni Mayer pero dahil unang beses pa lamang niya itong ginawa, pinagsabihan lamang siya ng mga pulis at pinauwi na sa kanilang rancho.