Isang cyclist mula sa Alaska ang sumubok magkaroon ng Guinness World Record sa pamamagitan ng pagbibisikleta ng 500 miles habang nakatalikod!
Noong Hulyo 23, lumahok si Will Walker sa 500-mile ride kasama ang iba pang 30,000 cyclist sa taunang Register’s Annual Great Bicycle Ride Across Iowa.
Ngunit tanging si Walker lamang ang cyclist doon na kakaiba ang pagsakay sa bisikleta. Imbis kasi na nasa bicycle saddle, sa handle bar siya nakaupo at nakalingon siya sa likod para makita ang kanyang dinaraanan.
Ginawa niya ito bilang kanyang record breaking attempt sa Guinness title na “Longest Distance Cycling Backwards”. Ang kasalukuyang may hawak ng titulong ito ay si Andrew Hellinga ng Australia. Siya ay may record na 209 miles.
Ayon kay Walker, natutunan niya ang patalikod na pagbibisikleta isang dekada na ang nakararaan. Sa kanyang kuwento, nagbibisikleta silang magkakaibigan nang maisipan niyang subukan na sa handle bar umupo at patalikod siyang magpedal. Simula noon, madalas na siyang mag-exhibition sa ganitong pamamaraan at nakilala na siya sa iba’t ibang lugar sa talentong to.
Napagtagumpayan ni Walker ang 500 miles na pagbibisikleta nang patalikod at hinihintay na lamang niya ang kumpirmasyon ng Guinness para mapasakamay ang titulo.