Babae na may napakalaking bibig, nakatanggap ng 2 guinness record!

Isang babae sa Connecticut, U.S., na madalas makatanggap ng pangu­ngutya dahil sa kanyang ma­laking bibig ang nakatanggap ng dalawang Guinness World Record title!

Simula noong bata pa, madalas nabu-bully si Samantha Ramsdell dahil sa malaki niyang bibig. Dahil dito, natanim sa kanyang isipan na ang pagkakaroon ng malaking bibig ay isang kapintasan.

Habang tumatanda, natutunan niyang tanggapin ang kakaibang katangian na ito at ginamit pa niya ito bilang content sa TikTok. Sa kanyang angking talento sa pagpapatawa at pambihirang laki ng bibig, naging patok ang mga videos niya sa naturang social media platform.

Noong 2021, hinikayat siya ng kanyang 1.7 million followers na ilaban ang kanyang bibig sa kategoryang “Largest Mouth Gape (Female)” sa Guinness World Records.

Napagtagumpayan niya na mapasakamay ang world record. Noong nakaraang Mayo, natanggap niya ang ikalawang Guinness title nang matalo niya ang previous record sa kategoryang “Widest Mouth (Female)”.

Dahil sa kanyang world record titles, lalong sumikat at dumami ang followers sa TikTok ni Ramsdell at napabalitang kumikita siya ng $13,000 sa bawat video na kanyang pino-post. Ayon kay Ramsdell, nais niyang maging inspirasyon sa mga taong nakukutya dahil sa pagkakaroon ng kakaibang katangian.

Show comments