NANG gabing iyon, lumayas si Renz sa inuupahan nilang apartment ng ka-live in niyang si Nessa. Gusto na niyang wakasan ang pang-aabusong ginagawa sa kanya ni Nessa sa loob ng tatlong taon. Oo, siya ang lalaki pero siya ang madalas bugbugin ng selosa at butangerang si Nessa. Buti na lang at baog ang kinakasama. Wala siyang poproblemahing anak. Bumalik na siya sa piling ng kanyang mga magulang.
Sa unang gabi ng kanyang “kalayaan” ay panatag siyang natulog for the first time pagkaraan ng tatlong taong buhay sa impiyerno. Hindi na niya maalaala kung sinong USA President ang nagsabing, “Parang nasa impiyerno ang lalaking may bungangerang asawa.” Bungangera kasi ang misis ng presidenteng ito.
Isang gabi, nagising si Renz ng madaling araw dahil nanginginig siya sa sobrang ginaw. Nakapikit niyang kinakapa ang kanyang kumot. Sa malas, hindi niya ito makapa kaya nagmulat siya at bumangon upang buksan ang ilaw. Isang nakapangingilabot na eksena ang bumulaga sa kanya. Ang kanyang kuwarto ay puno ng sapot ng gagamba na may nakasabit ng buhay na gagamba na parang may balahibo pa. Iyon sa lahat ng insekto ang kinatatakutan niya. Dala ng magkahalong takot at pandidiri, napasigaw si Renz nang ubod ng lakas kaya pati mga kamag-anak na nakatira sa katabi ng kanilang bahay ay naggisingan at napatakbo sa kanila. Hindi kaila sa mga kamag-anak ang pinagdadaanan ni Renz kaya iisa ang kanilang hinala—may kinalaman sa away nila ng dating karelasyon ang hiwagang nangyayari.
Simula noon ay nagkasunud-sunod na ang mga kakaiba at nakakatindig balahibong nangyayari kay Renz. Kapag walang pasok sa trabaho, natutulog siya pagkatapos ng tanghalian. Minsan ay nagising na lang siya na nakadapa sa kisame ng kanilang bahay na parang butiki. Sumisigaw siya ng tulong ngunit walang lumabas na sound sa kanyang lalamunan. Nang dasalin niya ang Sumasampalataya ay bigla siyang bumagsak sa kanyang kama. Lumapit siya sa isang kakilalang propesor na nag-aral sa India tungkol sa occult, metaphysical, at paranormal. Ang paliwanag nito, hindi aktuwal na dumikit sa kisame si Renz na parang butiki. Kahit pa ang pinaka-magaling na mangkukulam ay hindi kayang idikit ang isang tao sa kisame. Pero sa pamamagitan ng “black magic” puwedeng mag-hallucinate ang isang tao at maramdaman na siya ay nakadikit sa kisame. At iyon ang naramdaman ni Renz.
Sa pamamagitan ng ritwal na ginawa ng propesor, natiyak nila na si Nessa ang nasa likod ng mga pangungulam kay Renz. Tinuruan siya ng propesor kung paano kokontrahin ang mga pamemerwisyong ginagawa sa kanya ng dating karelasyon. At isang gabi ay isinagawa iyon ni Renz. Habang ginagawa niya ang “spell” kung saan nagsindi siya ng siyam na kandilang itim habang umuusal ng dasal, may itim na usok na lumitaw, naging korteng tao ito. Kasunod noon ay palahaw na nakapangingilabot ang narinig na parang tino-torture. Ang usok na korteng tao ay lumabas sa bintana ng kuwarto ni Renz. Unti-unting humina ang palahaw hanggang sa nawala. Ilang buwan ang lumipas pagkatapos ng hiwalayan, nabalitaan ni Renz na umuwi na si Nessa sa probinsiya nito sa Norte. Kasabay ng pagkawala ng dating karelasyon, tumigil na rin ang hiwaga sa kanyang buhay.