Kapag nakatakda nang mamatay ang isang mabait na tao, sila ay basta na lang papanaw nang walang paghihirap. Ang nakakaranas ng matitinding paghihirap bago malagutan ng hininga ay mga mangkukulam. Demonyo raw kasi ang kumukuha ng kaluluwa ng mangkukulam kaya pinahihirapan muna nito ang pisikal niyang katawan. Ito ang dahilan kung bakit kapag naghihingalo, sila ay umuungol at hindi mapakali ang katawan.
Iwasang lumapit sa naghihingalong tao na alam ninyong may “subo”. Ito ay mutya na isinubo noong sila ay bata pa. O, sila mismo ang nagsubo noong adult age na. Noong araw, lalo na sa panahon ng giyera, ang mga tao ay nag-iingat ng agimat o mutya upang maligtas sa kapahamakan. May mga magulang na sinusubuan ng mutya ang kanilang anak habang bata pa, lalo na kapag babae, upang malayo sa kapahamakan.
Ang problema sa mga may subo, hindi sila malalagutan ng hininga hangga’t wala silang napagpapasahan ng mutya. Kusang lumalabas sa bibig ang mutya. Kapag lumabas, kailangang maipasa niya ito sa ibang tao upang matapos na ang paghihingalo.
May naghihingalong lola. May iniluwa siya at marami ang nakakita na may isinilid ito sa bulsa ng apo. Pagkalagay sa bulsa ng “kung anong bagay” na iyon, ang lola ay payapang pumanaw. Binuklat ng apo ang bulsa. Walang laman. Ang sabi ng matatanda, naipasa sa apo ang mutya o agimat. Humalo na ito sa katawan ng apo. Nasubuan siya nang walang kamalay-malay. Lalabas lang ito sa takdang araw ng kanyang pamamaalam sa mundong ito at kakailanganin din niya ang taong pagpapasahan nito.