Nang makita ni Eliz si Gino ay nagpaalam na ito sa kausap na kaklaseng babae. Nilapitan si Gino.
“Kanina ka pa Gino?’’
“Kararating ko lang.’’
“Nakikipagkuwentuhan kasi ako kay Maan. Tuwang-tuwa ako sa mga ikinukuwento niya.’’
“Napansin ko nga na masayang-masaya ka.’’
“Kalog pala si Maan. Tawa ako nang tawa.’’
“Hindi tayo pupunta sa school nina Ella at Emmie?’’
“Hindi. Kaninang umaga tinawagan ko si Ella at kinumusta ko na. Okey daw sila. Kaya hindi tayo pupunta ngayon.’’
“E di mabuti para makapagpahinga ka. Masyado kang napagod ng mga nakaraang araw.’’
“Oo nga. Pero hindi lang ako, pati ikaw dahil lagi mo akong sinasamahan.’’
“Hindi naman ako napapagod.’’
“Ang bait mo talaga Gino.’’
“O huwag mong sasabihing hahalikan mo na naman ako.’’
Napahagikgik si Eliz.
“Namimihasa ka Gino.’’
“Joke lang.’’
“Tayo na. Nagugutom na ako.’’
Tinungo nila ang sakayan ng traysikel.
ISANG araw ng Linggo, masinsinang kinausap ni Manang Rose ang anim na “ampon”. Sa salas sila nag-meeting. Seryosong-seryoso si Manang. Hindi naman halos humihinga ang anim sa sasabihin ni Manang.
Gaano kaya kaimportante ang sasabihin at kailangan silang tipunin?
Magkatabi sa upuan sina Gino at Eliz.
Nagsimula si Manang.
“Mahalaga itong sasabihin ko at sana maunawaan n’yo…”
(Itutuloy)