Pork barrel, pakimkim na naging pang-blackmail
NAKAKATAWA naman ang sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa garapal na korapsyon sa mga tanggapan ng gobyerno. Ha?
Ayon kay Magalong, 30 percent hanggang 40 percent daw ang ninanakaw mula sa pondong nakalaan sa mga proyekto ng gobyerno. Ano ka ba naman lolo ngayon mo lang nalaman?
Kung ang mga proyekto ay nagmumula sa pork barrel ng mga mambabatas, wala nang kukuwentahing porsiyento si Magalong. Maliban na lamang kung Ombudsman ang mag-uusisa. May nakulong naman. Naging senador nga ulit, he-he!
Ayon mismo sa Supreme Court, salungat sa batas ang pork barrel ng mga senador at congressmen. Sila ang bumalangkas ng batas, sila pa rin ang nandurugas. Huwag kayong ganun!
Nagsimula ito noong 1976 sa bisa ng Presidential Decree 910 at sinaniban noong 1983 ng PD 1869 at inamyendahan noong 1985 ng PD 1993 na tinaguriang Presidential Social Fund. Nalalapit na noon ang snap election. Pakimkim daw?
Mula sa perang kinikita ng PAGCOR ang ipinamamahagi sa mga mambabatas na ang karamihan sa kanila ay nagka-casino rin. Ang tawag dun, voluntary remittances!
Pinalaki pa ang pork barrel noong 1990 dahil nalalapit na ang presidential election. Kailangan kasi ang suporta ng mga kongresista ni House Speaker Ramon Mitra na tatakbong presidente. Olat din naman kay Tabako. Aray ko!
Walang presidente ang nag-attempt na tanggalin ang pork barrel. Baka nga naman hanapan sila ng butas ng mga mambabatas para ma-impeach. Nag-boomerang at naging blackmail instrument pa. Ayun ‘yun eh!
- Latest