Minsan, isa kong kaibigan ang hiningan ng tulong ng kapitbahay niyang lola tungkol sa problema sa binabayaran nitong utang sa isang lender na ang ginamit na kolateral ay ang ATM card ng matanda. Hindi ko alam kung magkano ang utang ng matanda pero ipinagtataka niya kung bakit parang hindi matapus-tapos ang binabayaran niyang utang sa nagdaang mga taon at ayaw pang isoli sa kanya ng lender ang kanyang ATM card.
Sa mungkahi ng aking kaibigan, sinamahan niya ang matanda sa banko nito at ipinasara ang bank account na pinaggagamitan ng ATM card. Isang kasabwat umano ng lender sa loob ng banko ang kumontak dito pero huli na nang makapunta sa banko ang lender dahil sarado na ang bank account ng matanda. Wala silang nagawa.
Hindi ako pamilyar sa ibang mga detalye nito pero ipinakikita lang dito ang isa sa maaaring maging problema sa tinatawag na Sangla-ATM schemes na matagal nang umiiral at bumibiktima at lalong nagpapahirap sa maraming Pilipinong kapos sa pera lalo na ang mga senior citizen na tumatanggap ng pension mula sa SSS at GSIS.
Meron namang kamalayan ang Banko Sentral ng Pilipinas sa mga nagaganap na Sangla-ATM schemes pero tila ang nagagawa lang nito ay magbabala sa publiko laban sa iskemang ito na hinihingi ng lender/creditor ang ATM card at ang personal identification number (PIN) bilang kolateral sa utang na inaaplayan ng umuutang.
Sinasabi ng BSP sa isang pahayag na ang naturang iskema ay maaaring lalong magbigay sa cardholder ng problema dahil mahihirapan silang mamonitor ang perang kinukuha ng mga tao na pinagbigyan nila ng kanilang ATM card at PIN. Maaaring ang halagang wini-“withdraw” ng lender o creditor ay mas malaki kaysa sa halagang inutang ng cardholder.
Ayon sa 2022 Consumer Expectation Survey na isinagawa ng BSP, 2.6% ng mga Pilipino ang piniling gamitin ang sangla-ATM bilang paraan ng paghiram ng pera dahil sa dalawang rason: mabilis i-release ang loan at walang mga mahahabang dokumento na kailangang tapusin at ipasa. Lumalabas din sa parehong survey na ilan pa sa mga dahilan kung bakit napipilitan ang ilan na humiram sa mga kalauna’y lumalabas na mga may mapanamantalang sistema ay dahil nahihirapan silang kumpletuhin ang mga hinihinging requirement, pati na rin ang kawalan ng guarantor, pirming trabaho at credit history.
Patuloy na nagbababala ang BSP sa publiko sa mga panganib na dulot ng sangla-ATM. Kabilang na rito ang identity theft at fraud, na maaaring magresulta sa hindi awtorisadong paggamit ng personal data at bank account details ng mga humihiram na posibleng gamitin sa mapanloko at kriminal na gawain.
Dapat talaga magkaroon ng batas na naghihigpit o nagbabawal sa paggamit ng ATM bilang collateral sa utang lalo na iyong ginagamit sa pension ng mga senior citizen. Pero, kunsabagay, may mga banko na bukod sa pag-“iisyu” ng ATM card ay nagbibigay din ng passbook sa kanilang mga depositor kaya merong alternatibo ang bank account holder kapag nawala ang kanyang ATM. Kaso nga lang, ATM account ang ibinibigay ng mga banko sa mga pensioner.
Hindi ba puwedeng isyuhan din sila ng passbook? Kung meron siyang passbook, makikita niya kung magkano ang kinukuha ng creditor sa kanyang pera. Mukhang bihira o walang lender o creditor na humihingi sa passbook bilang kolateral dahil tiyak na magkakaproblema sila rito.
Isa ring isyu sa Sangla-ATM schemes ang abalang ibinibigay nito sa mga gumagamit ng mga ATM machines. May mga lender o creditor na, sa dami ng hawak nilang ATM card, natatagalan sila sa pagkuha ng pera sa ATM machines na nagpapahaba at nagpapatagal sa pila ng mga tao na gustong gumamit nito.
••••••
Email: rmb2012x@gmail.com