Basag na salamin

TINULUNGAN ni Lian na makalipat si Joy sa bago nitong condominium. Nabitiwan ni Joy ang mirror habang bitbit patungo sa dressing room kung saan ito isasabit. Kasabay ng matinis na tili ni Joy ang pagbagsak ng salamin sa sahig. KRRRAAASSSS! Napaiktad sa pagkakatayo si Lian. Tumakbo siya sa kinaroroonan ng kaibigan.

“My God!” tutop ni Lian ang bibig habang nakatitig sa nabasag na salamin. Kinuha kaagad ni Joy ang walis-tambo. Akmang wawalisin sana ang nagkalat na bubog nang pigilan siya ni Lian. Siyanga pala, Chinese si Lian at maraming alam na pamahiin.

“No!” pigil ni Lian habang nakakapit ang kamay nito sa walis-tambo na hawak naman ni Joy. “Palipasin mo muna ang seven hours bago walisin ang mga ‘yan, para hindi tumalab sa iyo ang seven years na kamalasan.”

“O, yah, pamahiin na  naman. But Lian, nagkalat ang mga bubog, baka matusok ng mga iyan ang ating paa.”

“Please, makinig ka sa akin. Kung wawalisin mo ang kalat after seven hours, 7 hours ka lang mamalasin. Pero kung wawalisin mo agad-agad ang basag na salamin, 7 years kang mamalasin. O, sige, pumili ka: 7 hours or 7 years na kamalasan.”

Sinunod na lang ni Joy ang payo ng kaibigang Intsik upang matahimik na lang ito. Pero hindi pa rin siya bilib sa pinagsasasabi nitong malas-malas. Tinandaan nila kung kailan ang ika-pitong oras upang alam nila kung kailan puwedeng walisin ang nabasag na salamin.

Parang nagdilang-anghel si Lian. Sunud-sunod ang palpak na pangyayari na naranasan nila: nawala bigla ang water supply, tumapon ang asukal sa sahig habang inililipat ito ni Joy sa jar, nabasa ng katas ng isda at karne ang bigas na pinamili nila sa supermarket. Mga maliliit na kamalasan kung tutuusin pero annoying dahil nakakadagdag sa mga gawain. Ilang oras ang lumipas at  sumulyap si Lian sa relo.

“O, hayan, 7 hours na ang nakalipas. Puwede na nating walisin ang mga bubog,” sabi ni Joy. Magkatulong nilang winalis ang nagkalat na bubog. Inipon nila ito sa gitna ng sahig upang madaling dakutin gamit ang dustpan at saka ita-transfer sa  sako. Pagkatapos magwalis ay naghanap ng sako si Joy samantalang si Lian ay bumaba sa admin office ng condo upang itsek kung bakit walang water supply. Naiwan ni Lian na nakabukas ang pintuan. Pagbalik ni Joy sa salas kung saan nakaipon ang mga bubog, may bigla na lang lumitaw na isang lalaki, may hawak itong patalim. Sumugod ang lalaki patungo sa kinaroroonan ni Joy pero nadulas sa kumalat na katas ng isda at karne, at malas na sumubsob sa bunton ng bubog. Isang bubog ang tumusok sa mata at ang isa ay sa tiyan.

Paliwanag ni Lian, pinalipas kasi nila ang kamalasan kaya naging useful ang basag na bubog, na naging instrumento upang makaligtas si Joy sa pag-atake ng baliw na kamag-anak ng isang tenant. Hanggang ngayon, hindi pa rin maintindihan ni Joy kung bakit at paano nangyari ang naranasan niya.

 

Show comments