Kalbaryo sa tubig!
Naku po, mukhang matinding kalbaryo na naman sa tubig ang kakaharapin ng marami nating kababayan sa mga susunod na araw.
Ibig lang sabihin, ihanda na ang mga drum at malalaking balde para mapag-ipunan at maghanda na rin para sa puyatan kung sakali.
Simula kasi bukas, araw ng Biyernes, kung hindi mapipigilan, babawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig buhat sa Angat Dam sa 50 cubic/ per second.
Kung matutuloy, malamang na magkulang na ang supply partikular sa mga kostumer lalo ng Maynilad. Talagang magkakaroon ng mga water interruption.
Kaya nga ang hiling nila ay mapanatili na lang sa 52 cubic per seconds ang alokasyon para walang interruption.
Ang pagbabawas naman sa alokasyon, ayon sa NWRB ay bilang paghahanda sa inaasahang El Niño phenomenom.
May matinding pangangailangan sa pagtitipid sa tubig.
Anu’t anuman ayon pa sa mga kinauukulan, hihilingin nila na maisagawa ang water interruption mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Talaga namang matinding pagtitiis na at kalbaryo ang dinanas at hanggang sa ngayon ay patuloy na dinadanas ng marami nating kababayan dahil sa tubig.
Lalo nga dati, kung saan tuwing gabi hanggang madaling araw lamang nagkakaroon ng tubig. Ibig sabihin kailangan mong magpuyat para lang makaipon na magagamit sa kinaumagahan.
Kung pumapasok ka sa trabaho sa araw, di ka na makakatulog o makapagpapahinga dahil maghihintay kang magka-tubig para sa buong maghapong gamit kinabukasan.
Ang siste pa umano kapag nagkaroon na sobrang labo ang lumalabas na tubig at matagal pa bago makuha ang malinis na tubig .
Sana naman eh mapansin din ang hinaing ng mga kostumer at sana ay tuluyan namang matignan ang kanilang pangangailangan at mabawasan ang kanilang paghihirap.
- Latest