Dear Attorney,
Sadya bang kailangang magpalit ng apelyido ang babae kung siya ay bagong kasal? —Rina
Dear Rina,
Sa ilalim ng ating Civil Code ay may tatlong pagpipilian ang isang babae ukol sa kanyang gagamiting pangalan kapag siya ay kasal na:
(1) Ang gamitin ang kanyang pangalan noong siya ay dalaga pa at idugtong na lang sa hulihan ang apelyido ng kanyang asawa;
(2) Ang gamitin ang kanyang first name at idugtong sa hulihan ang apelyido ng kanyang asawa; o
(3) Gamitin ang buong pangalan ng kanyang asawa, ngunit kailangang lagyan niya ito ng “Mrs.” sa unahan.
May pang-apat pang option ang isang babae batay sa kaso ng Remo vs Secretary of Foreign Affairs (G.R. 169202, March 5, 2010) kung saan ipinaliwanag ng Korte Suprema na bukod sa tatlong option na ibinibigay ng Civil Code ay maari ring piliin ng isang babae na ipagpatuloy na gamitin ang kanyang pangalan sa pagkadalaga ng walang anumang pagbabago. Civil status lang naman kasi ang tanging nagbabago sa mata ng batas kapag ikinakasal ang isang tao, dagdag pa ng Korte.
Dahil mas maganda nga naman kung malinaw itong nakasaad sa ating batas, kamakailan ay may naghain ng panukalang batas sa Kongreso na naglalayong maisabatas ang pang-apat na option na ito.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 4605 o “An Act Providing for the Right of a Married Women to Retain Their Maiden Surnames” na nag-aamyenda sa Section 1, Article 370, Title 9, Book 3 ng New Civil Code of the Philippines, maari nang ipagpatuloy ng isang babae ang pagpapanatili ng kanyang pangalan at apelyido noong siya ay dalaga pa. Kung sakaling maipasa ang nasabing panukalang batas, mapagtitibay nito ang pagkapantay-pantay ng mga babae at lalaki at ang karapatan ng mga kababaihan na mamili ng kanilang gagamiting pangalan kapag sila ay ikinasal na.