Ang abogado ay para sa hustisya

TAHIMIK na pumasok sa langit ang isang magsasaka. Tanging matatamis na ngiti ang isinalubong sa magsasaka ng mga dinatnan niya sa langit. Ang sumunod na pumasok ay isang abogado. Hindi magkamayaw sa palakpakan at sigawan ang lahat. Biglang nagpista sa langit.  “Pati ba naman dito sa langit ay may palakasan?” reklamo ng magsasaka kay San Pedro. “Naku, pasensiya na! Sanay na kasi kaming tumatanggap dito ng isang tulad mo. Pero bihirang-bihirang makapasok dito ang isang abogado, noong isang taon pa ‘yung pinakahuli,” mabilis na tugon ni San Pedro.

Popular ang mga ganitong kuwento na nagpipista sa hindi magandang imahen ng mga abogado na ginagamit ang kanilang kaalaman sa batas upang manlamang ng kapwa o maipanalo ang kaso ng mga kliyente kahit na nga totoong nagkasala ang mga ito. May impresyon na ang hustisya rito sa atin ay laging nakakiling sa taong makapagbabayad ng magagaling na abogado. Kung hindi magaling ang abogado mo, baka ikaw pa ang makulong kahit wala kang kasalanan.

Isang marangal na propesyon ang abogasya. Ang pangunahing tungkulin ng isang abogado ay maging kasangkapan sa pag-iral ng hustisya na isa sa hinihingi ng Diyos sa bawat tao. Ganito ang nakasaad sa Mikas 6:8, “Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti.  Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.”

“To do justice or even to ensure access to justice,” ito ang sinabi ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na pinakamahalagang katungkulan ng isang abogado.  Gayunman, nakapagtataka na ang katungkulang ito’y hindi man lamang nababanggit sa panunumpa ng mga bagong abogado. Ito kaya ang isa sa mga dahilan kung bakit mayroon tayong baluktot na sistema ng hustisya, kung bakit ang hustisya natin ay nakapabor sa mayayaman at makapangyarihan?

Lubhang napapanahon ang ginawang pagbabago sa panunumpa ng mga abogado na siya nang ginamit ng 3,992 mga bagong abogado na nakapasa sa nakaraang Bar Examination. Sipiin natin ang isang linya ng bagong panunumpa, isasalin natin sa Tagalog: “Magtatrabaho ako nang buong konsensiya at katapangan para sa hustisya, at pangangalagaan ko ang mga karapatan at makabuluhang mga kalayaan ng lahat ng tao, pagkakakilanlan at komunidad. Sisikapin ko ang pagkakaroon ng higit na malawak at pantay na oportunidad at pagkakataon para sa hustisya. Hindi ako magsisinungaling o kaya’y paiikutin ang batas para lamang mapaboran ang iba o malamangan ang sinuman.”

Napakaganda ng panunumpang ito! Sa wakas, manunumpa ngayon ang ating mga abogado para sa katuparan ng totoong dahilan kung bakit sila naging abogado. Hindi sila nag-abogado para lamang yumaman o maging makapangyarihan. Sila’y naging abogado upang maging kasangkapan sa papagpapanatili ng hustisya sa lipunan.

Ayon sa Integrated Bar of the Philippines, sa ngayon ay may 40,000 abogado sa Pilipinas, at nadaragdagan pa taun-taon. Kung ang mga abogadong ito’y pawang magiging matapat sa pinanumpaan nilang tungkulin, malaki ang iaayos ng sistema ng hustisya rito sa atin. Baka talagang maging “justice” na, sa halip na “just-tiis.” At saka isa pa, magiging tahimik na ang pagpasok nila sa langit!     

Show comments