ISANG siyudad sa China ang tumutulong na magkaroon ng boyfriend o girlfriend ang mga walang jowa nilang residente sa pamamagitan ng paglunsad ng isang smartphone app!
Gamit ang statistical data ng kanilang 640,000 residente, nagdebelop ang Guixi city sa Jiangxi province ng isang smartphone dating app na magsisilbing matchmaker sa mga single sa kanilang siyudad.
Sa tulong ng app na pinangalanang “Palm Guixi” ipapareha nito ang mga single residents na sa tingin nila ay bagay sa isa’t isa o may matching profile. Matapos makapagpareha ang app, magse-setup ito ng blind date sa mga nahanapan nila ng ka-match.
Ang inisyatibo na ito ay isinagawa ng Guixi government dahil sa bumababa na marriage rate sa kanilang siyudad. Ang declining marriage rate ay hindi lamang problema sa Guixi city kundi sa buong China. Ayon sa China Statistics Yearbook noong 2021, bumaba sa 7.64 million ang mga taong nagpakasal sa kanilang bansa.
Kasabay ng pagkonti ng mga taong gustong magpakasal, bumaba rin ang mga ipinapanganak na sanggol sa China. Noong 2022, bumaba sa 6.77 births per 1,000 people ang birthrate doon.
Umaasa ang lokal na gobyerno ng Guixi na makakatulong ang ginawa nilang app na makahikayat ito na magpakasal at bumuo ng pamilya ang kanilang mga residente.