ISANG French luxury brand kamakailan ang nag-anunsyo na ilalabas na nila ang limited-edition bag na gawa mula sa meteorite o bulalakaw na bumagsak mula sa kalangitan!
Bilang bahagi ng kanilang Fall/Winter 2023 collection, gumawa ang fashion brand na Coperni ng isang kakaibang handbag na inukit mula sa isang bulalakaw.
Tinawag ang bag na “Mini Meteorite Swipe bag”. Kahugis nito ang pinasikat na disenyo ng Coperni, ang “Swipe Bag” ngunit mas magaspang ang pagkakagawa nito dahil nililok ito mula sa totoong bulalakaw.
Ayon sa spokesperson ng Coperni, ang mga bulalakaw na inukit nila ay bumagsak sa Earth noong 55,000 years ago. Magkakaiba ang hitsura ng mga bulalakaw kaya ang bawat bag ay unique at may bahagyang pagkakaiba sa hugis at kulay.
May sukat ang bag na 9 x 12 x 23 centimeters at may bigat na 2 kilograms. Kakailanganin ng lakas at ekstrang effort sa pagbibitbit nito lalo na kung maraming abubot na ilalagay sa loob.
Maaaring mabili ang bag sa official website ng Coperni at nagkakahalaga ng 40,000 Euros (katumbas ng P2.3 million) ang bag. Made-to-order ang bawat bag at aabutin ng anim na linggo bago ito ma-deliver.