ISANG lalaki sa India ang hindi na iniwan ng isang malaking ibon matapos niyang iligtas ang buhay nito.
Naging local celebrity ang 30-anyos na si Mohammed Arif sa kanyang bayan sa Mandka village sa Uttar Pradesh dahil sa kanyang “best friend” na malaking ibon na lagi na niyang kasama saan man siya magpunta.
Noong Pebrero 2022, nagtatrabaho sa bukid si Arif bilang harvester operator nang may makita siyang Sarus crane na may sugat sa kanang binti. Dinala ni Arif ang malaking ibon sa kanyang bahay at ginamot ang sugat nito. Dahil malala ang sugat ng ibon, inalagaan niya muna ito at pinatira sa silong ng kanyang bahay. Pinangalanan niya ang ibon na “Bachcha”.
Inabot ng tatlong buwan bago nagamot ang sugat ni Bachcha pero nang pinakawalan na ito ni Arif, ayaw na nitong umalis sa kanyang tabi. Simula nang gumaling ang ibon, lagi na nitong sinasamahan si Arif kahit saan ito magpunta. Sa tuwing pupunta sa bukid si Arif sakay ng kanyang motor, lumilipad si Bachcha at sinasabayan nito ang bilis ng motorsiklo.
Ayon sa isang wildlife expert, isang pambihirang pagkakataon ito dahil kilala ang mga Sarus crane na mailap sa tao.
Sa kasalukuyan, patuloy na inaalagaan ni Arif si Bachcha pero kung sasama na ito sa mga kauri niyang ibon, pakakawalan niya ito.