MAHIGIT 700 baka ang inaalagaan taun-taon ng mag-asawang Megan at Barry Coster sa kanilang rancho sa West Gippsland, Victoria, Australia.
Pero ngayong 2023 lang sila nakakita ng kakaiba at pambihirang body markings sa isa sa kanilang baka kung saan meron itong body markings na hugis “smiley face”.
Ayon kay Mrs. Coster, may naalagaan na silang baka na may body markings na hugis puso, hugis number 7 pero sobra silang humanga sa “smiley face” sa tagiliran ng bagong panganak na Holstein cow na pinangalanan nilang Happy.
Noong bagong panganak si Happy, walang napansing kakaiba si Mr. Coster at wala siyang maibigay na pagkakakilanlan dito.
Pero nang nakita niya sa kaliwang tagiliran nito, nagulat siya sa tila nakangiting body markings nito.
Nang ikuwento naman niya ito kay Mrs. Coster, hindi rin naniwala ang ginang. Naghinala pa na drowing lamang ang smiley face sa katawan ng baka.
Pero nang makita na ni Mrs. Coster nang personal ang baka, napatunayan niyang totoo ang “smiley face” sa katawan ni Happy.
Dahil sa unique na katangian ni Happy, nagdesisyon ang mag-asawang Coster na hindi nila ito ibebenta. Ituturing na nila itong pet at magiging mascot ng rancho.