KAHAPON ay sinimulan na ang dry-run para sa nakatakdang pagpapatupad ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Isa ang Comonwealth na minsang tinaguriang ‘killer highway’ dahil sa dami ng nagaganap na aksidente at marami rin ang naitatalang nasawi.
Ang eksklusibong motorcycle lane ay ilalagay sa ikatlong lane mula sa bangketa ng Commonwealth Avenue, mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.
Hanggang sa Marso 19, tatagal ang dry-run.
Sa ngayon sita-sita lang muna, wala pang multa kundi layon ng dry-run na maging pamilyar ang mga motorista sa panuntunan sa eksklusibong lane para sa motorsiklo sa naturang avenue.
Layon nito na kundi man tuluyang mapigilan eh mabawasan man lang ang mga aksidenteng nagaganap sa nabanggit na lansangan.
Masyadong malapad ang Commonwealth Avenue kaya ang tendency lalo na ng mga pasaway na motorista eh umarangkada kaya marami ang nadidisgrasya, lalo na ang sakay ng mga motorsiklo.
Base sa tala ng Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) ng MMDA, may kabuuang 1,686 o 5 kaso kada araw ng mga insidente ng aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo noong nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, 13 kaso ang nasawi.
May kabuuang 154,639 na motorsiklo at 10,134 na pampublikong sasakyan ang dumadaan sa Commonwealth Avenue araw-araw.
Sakaling tuluyan nang ipatupad ang exclusive motorcycle lane ang mga mahuhuling lalabag ay magmumulta ng P500.
Kailangan nga naman ang disiplina sa lansangan, baka kasi kahit anong paraan at programa ang ipatupad eh mabalewala lang dahil sa mga pasaway.
Hindi na dapat intayin ng mga pasaway na meron silang pagsisihan.