PATINDI nang patindi ang nagaganap na mga pagrarambulan ng mga kabataan lalo na sa gabi sa iba’t ibang lugar.
Katulad na lamang nang nangyaring riot sa dalawang magkalabang grupo ng mga bagets sa Cavite City, gabi ng Miyerkules.
Tatlo ang nasawi, habang 4 pa ang nasugatan dahil sa pagsabog ng granada na bitbit ng isa na sangkot sa riot.
Kung dati suguran lang, bugbugan, batuhan at paluan, ngayon matitindi na ang dinadalang mga armas panlaban, tulad ng granada at iba pa.
Halos ganyan din ang nangyayari sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ang klasik pa dyan, may insidente ang away ng mga bata minsan sinasalihan ng mga matatanda kaya lalong lumalala.
Imbes na sawayin, nakisali pa ang ilan.
Dapat siguro na mas lalong paigtingin ang pagpapatrulya ng mga barangay sa lugar na kanilang nasasakupan.
Partikular na nga rito yung mga lugar na alam na alam naman nilang maraming pasaway at madalas ang sagupaan ng magkakalabang grupo.
Kung kailangan na dalasan ang pagpapatrulya, eh gawin.
Kadalasan naman dyan, nagsisimula sa umpukan, doon pa lang dapat matututukan lalo na nga at dis-oras na ng gabi tambay pa sa lansangan.
Paigtingin ang pagpapatrolya, malaking bagay ‘yan para mapigilan ang anumang malaking kaguluhan.
Kung kailangan magpatupad ng curfew lalu na sa mga menor de edad, ok lang subukan, mapigilan lang na meron na namang masaktan at magbuwis nang buhay.