ISANG lalaki na na-stranded ng 24 na araw sa Caribbean Sea ang naka-survive sa pagkain lamang ng ketchup!
Nasagip ng Colombian Navy ang 47-anyos na si Elvis Francois sakay ng kanyang sirang sailboat sa 120 nautical miles northwest ng Puerto Bolivar.
Nalaman ang kinaroroonan ni Francois matapos siyang mamataan ng isang eroplano at nakitang may nakaukit na salitang “HELP” sa sailboat nito.
Nagmula sa bansang Dominica si Francois at aksidente lamang ang pagkakaanod niya malapit sa Puerto Bolivar. Sira ang sailboat ni Francois at inaayos niya ito habang nakadaong sa isla ng St. Maarten. Dahil hindi maganda ang panahon noong Disyembre sa lugar na ito, tinangay nang napakalakas na alon ang kanyang sailboat sa laot.
Bukod sa sira ang sailboat, kulang sa navigational knowledge si Francois kaya siya nawala at na-stranded sa gitna ng Caribbean Sea.
Walang pagkain na nakaimbak sa sailboat ni Francois at ang tanging meron lang ay isang bote ng ketchup, garlic powder at seasoning na chicken cubes. Upang maka-survive at hindi mamatay sa gutom, tinunaw at pinaghalo-halo niya ang mga ito gamit ang drinking water at ito ang kinain sa loob ng 24 na araw.
Matapos ma-rescue, dinala siya ng Colombian Navy sa Cartagena upang ipa-check-up sa doktor. Nang makita ng mga doktor na walang injury at maayos ang kalusugan ni Francois, pinabalik na siya sa kanyang bansa na Dominica.