DAHIL sa paniwalang muling namamayagpag ang sindikato ng ilegal na droga sa bansa, kung kaya nais ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ibalik ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Oplan Tokhang’.
Makontrobersiya ang programang ito na inilunsad nang nagdaang administrasyong Duterte kung saan nga si dela Rosa ang nagsilbi noong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ang ‘Oplan Tokhang’ ay isang istratihiya ng PNP na malabanan hindi lamang ang paglaganap ng illegal drugs kundi maging ng iba pang krimen.
Literal itong pagkatok sa bahay ng mga hinihinalang mga kriminal.
Marami ang natakot sa programang ito dahil nga sa pagkahulugan dito ng marami na kinonek sa umano’y extrajudicial killing.
Pero ayon nga sa Senador dapat na mapag-aralan ng PNP ang muling pagbuhay sa ‘Oplan Tokhang’ makaraang maramdaman umano sa kasalukuyan ang ‘pagbabalik’ ng mga sindikato ng droga sa bansa.
Hindi umano dinidiktahan ni dela Rosa ang PNP dahil alam niyang mayroon itong sariling programa laban sa ilegal na droga na kanya namang sinusuportahan.
Pero magugunitang, nalalamyaan ang senador sa laban ng PNP sa ngayon sa illegal drugs.
Para sa Senador, nagkaroon ng magandang resulta ang ‘Oplan Tokhang’ kung saan umano ay bumaba ng halos sa 50 porsiyento ang crime volume.
Dapat din namang aminin na malaki ang naging takot lalu na ng mga sangkot sa droga sa kampanya noon nakalipas na administrasyon.
Aba’y pati ang kaliit-liitang ‘user’ ng droga sa bawat barangay napilitang lumutang kaysa daw ma-tokhang.
Daang –libo ang mga nagsisuko na user at ‘tulak’ para sumailalim sa rehab.
Yun nga lang hindi naman yata lahat naisailalim sa gamutan kundi nagpalista lang sa mga barangay.
Bagamat may ibang pamamaraan ngayon ang PNP at ibang ahensya sa paglaban sa illegal drugs, dapat marahil na makita dito eh hindi basta ‘oplan’ kundi nakikita na mayroon itong nagiging magandang resulta.
Dyan mapapatunayan kung may political will ang isang ahensya , hindi lang ang magpanukala ng programa kundi tinitignan at sinisiguro na nagtatagumpay ito at nagkakaroon ng magandang resulta.