NAGBABASA ng diyaryo ang ama nang tawagin ng anak.
“Papa…”
“Hmm, bakit anak?”
“Masarap bang magbasa ng diyaryo?”
“Oo, naman.”
“Bakit po?”
Hindi sumagot ang ama. Libang na libang sa binabasa. Kinublit ng anak ang ama.
“Papa…bakit sabi mo masarap magbasa ng diyaryo, ha?”
“Nalalaman ko ang mga nangyayari sa ating bansa.”
“Bakit po kailangang malaman ang mga nangyayari?”
Hindi sumagot ang ama. Niyugyog ng anak ang diyaryong binabasa ng ama. Nainis na ang ama.
“Ano ba, inaabala mo ako.”
“Bakit ayaw mo po akong sagutin?
“Diyuuus kooo, ano…ano ang ayaw kong sagutin?”
“’Yun pong bakit kailangan mong malaman ang mga nangyayari sa bansa?”
“Siyempre, baka nagkakagulo na ay wala pa tayong kaalam-alam. O, ngayong nasagot ko na, puwede bang iwan mo na ako dahil gusto kong magbasa ng diyaryo.”
“Bakit ayaw mo akong kausapin kapag nagbabasa ka ng diyaryo?”
“Puwede ba, tigilan mo na ako sa kaba-bakit mo? Mababaliw ako sa iyo!”
“Baliw? Kagaya ng taong grasa doon sa palengke?”
“Oo!”
“Marunong ba silang magbasa ng diyaryo?”
“Hindi!”
Umalis ang bata at nagpunta sa altar. Nagdasal ito nang malakas.
“Dear Jesus, sana maging taong grasa na si Papa para hindi na siya makapagbasa ng diyaryo. Kapag hindi na siya marunong magbasa, kakausapin na niya ako at makakakuwentuhan ko na siya. Amen.”