Ang pagsabay ng katawan sa ritmo ng musika ay inakalang mga tao lamang ang may kakayahan. Ngunit sa bagong pag-aaral ng mga scientists sa Japan, natuklasan na ang mga daga ay kaya ring sumabay sa tiyempo ng musika nina Lady Gaga, Michael Jackson, Freddie Mercury at bandang Queen.
Sa pag-aaral na isinagawa ng mga scientists sa University of Tokyo, gumamit sila ng 10 daga na sinuutan nila ng gadget na tinatawag na wireless accelerometers. Ito ay upang ma-detect at masukat ang paggalaw ng kanilang mga ulo.
Ang mga musikang ginamit para pakinggan ng mga daga ay Born This Way ni Lady Gaga, Another One Bites the Dust ng bandang Queen, Beat It ni Michael Jackson, Sugar ng bandang Maroon 5 at Sonata for Two Pianos in D Major ni Mozart. Pinatugtog ang mga ito sa apat na iba’t ibang tempo o bilis.
Nakita ng mga scientists na tulad ng mga tao, mas may reaksiyon ang mga daga kapag ang musika ay pinatutugtog sa bilis na 120 hanggang 140 beats per second. Bukod dito, na-detect din ng wireless accelerometers na ang pagtaas-baba o pagtango ng ulo ng mga daga ay synchronized sa tiyempo at ritmo ng musika.
Ayon sa head researcher nito na si Dr. Takahashi, isinagawa nila ang research upang malaman kung paano magagamit ang musika sa pag-trigger ng emotional response sa utak ng tao at ng mga hayop. Dagdag pa niya, makakatulong din ang pag-aaral na ito sa paggawa ng Artificial Intelligence music.