NOONG Miyerkules (Nobyembre 23), ginunita ang ika-13 taon nang pinaka-karumal-dumal na krimen na naganap sa bansa na may kaugnayan sa election—ang Maguindanao massacre o Ampatuan massacre. Subalit sa kabila na nahatulan na ang mga utak sa krimen, marami pa rin ang nakalalaya at hindi alam kung kailan sila mananagot sa pagkakasala. Makalipas ang 13 taon, marami pa ang sumisigaw ng hustisya.
Noong Nob. 23, 2009, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, kasama rin sa convoy ang 32 mamamahayag. Subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Nang inaakalang patay na lahat, inihulog sila sa ginawang malalim na hukay. Pati ang mga sasakyan ay inihulog din sa hukay para maitago ang karumal-dumal na krimen.
Subalit walang lihim na di nabubunyag. Natuklasan ang mga bangkay at itinuro ang pamilya Ampatuan na nasa likod ng krimen. Sinampahan ng kaso ang mga Ampatuan at 100 iba pa. Noong Disyembre 20, 2019, ibinaba ang hatol sa kanila. Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court kina Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Datu Anwar Sr. —mga anak ni Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. na isa rin sa mga akusado subalit namatay sa bilangguan bago pa ibinaba ang hatol. Sa kabuuan, walong miyembro ng Ampatuan clan ang nahatulan. Mayroon din namang napalaya dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Subalit sa kabila na nahatulan na ang mga “utak” ng krimen, marami pa rin sa mga kamag-anak ng mga biktima ang sumisigaw ng hustisya sapagkat marami pa ang hindi naaaresto. Hindi pa ganap na naidedeliber ang hustisya. Ayon sa report, nakalalaya pa ang mga kasangkot sa krimen at posibleng gantihan pa ang mga nagdemanda sa kanila. Hindi pa natatahimik ang kalooban ng mga kaanak ng 58 napatay sapagkat nakikita nilang mayroon pang nakalalaya.
Matatahimik umano ang kalooban ng mga kaanak ng mga biktima kung mapaparusahan din ang iba pang kasangkot. Hanggang ngayon, makaraan ang 13 taon, ang hapdi ng pagkamatay ng kanilang kaanak ay nananatili pa. Kailan sila makakakamit ng hustisya.