MARAMI pa ring Pilipino ang walang kubeta o toilet. Dumudumi sa kung saan-saan lang. Kaya hindi na nakapagtataka kung mabilis ang pagkalat ng sakit gaya ng diarrhea, cholera, pagkakaroon ng bulate at dahilan nang pagiging malnourished ng mga bata. Kapag ang inuming tubig ay nakontamina ng dumi ng tao, iba’t ibang sakit pa ang lulutang na mapanganib sa buhay.
Nakapagtataka na kung ano pa ang pinakamahalaga sa bawat bahay ay yun ang hindi pagsikapang gawin. Mas inuuna pa ang hindi naman gaanong mahalaga kaysa toilet.
Sa report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), 6.3 milyong bahay sa Pilipinas ang walang toilet at patuloy na dumurumi sa kung saan-saan lang. Karaniwang dumurumi sa ilalim ng puno, sagingan at sa pampang ng sapa at ilog. Mayroon pang sa bakuran mismo ng bahay. Ang mga informal settlers, deretso sa estero ang kanilang dumi. Malawak na kubeta ang silong ng kanilang barung-barong.
Ayon sa UNICEF 2021 Field Health Services Information System Report, ang probinsiya ng Iloilo ang nangunguna sa sinasabing Zero Open Defecation (ZOD) na ang ibig sabihin ay hindi nagpapraktis nang pagdumi sa kung saan-saan lang. Mayroong malinis na toilet ang mga taga-Iloilo sa kani-kanilang tahanan. Nakita rin ang pagsisikap ng Iloilo na mabigyan nang malinis na toilet ang mga estudyante sa bawat pampublikong paaralan. Sa pagdiriwang ng World Toilet Day noong nakaraang linggo, nangako ang mga namumuno sa Iloilo na paiigtingin pang lalo ang commitment sa pagbibigay nang malinis na toilet sa mamamayan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng toilet sa bawat bahay. Maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit. Ito sana ang maging prayoridad ng mamamayan. Unahin muna ang may kinalaman sa kalusugan. Magkaroon din naman ng kampanya ang pamahalaan para magkaroon nang malinis na toilet ang mga mahihirap na mamamayan.
Isulong ito para sa malinis at malusog na pamumuhay. Huwag nang bumalik sa dating praktis na dumurumi sa kung saan-saan. Huwag hayaang kumalat ang sakit dahil sa maling praktis na matagal nang iwinaksi noon pa. Ituro ito sa mga anak para sa malusog na bukas.