Ayan na nga at mahigpit ang babala ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa posibleng pagkalat ng mga pekeng pera, lalo na ngayong holiday seasons.
Dapat na maging mapanuri at sipating mabuti ang pera.
Kapag ganito kasing panahon, ang paggawa ng pekeng pera ang isa sa modus ng mga sindikato at kawatan.
Partikular na pinag-iingat ang mga mamimili na siguradong dadagsa sa mga shopping malls, mga tiangge at maging sa mga pamilihan.
Ang mga balikbayan o ang kanilang mga pamilya pinag-iingat din sa pagpapalit ng kanilang pera. Kung maaari sa mga awtorisadong money changer magpalit nang hindi makompromiso ang kanilang pinaghirapan.
Payo pa ng kapulisan, ingatang sumabay sa dagsa ng tao, sa ganito kasing pagkakataon dyan nagtatagumpay ang panlalansi ng mga kawatan, yun bang tila nalilito ka para hindi mo masuri nang husto ang sinusukli sa‘yo. Meron din dyan na angt bilis palitan ang pera mo saka sasabihin sa’yo na peke ang ibinayad mo.
Matindi na ngayon, kahit maliit na bills pinepeke, maliit nga kung nakarami naman sila nang palusot malaki rin ang nakukulimbat ng mga ito.
Laging tandaan, kapag ganitong panahon naglalabasan ang iba’t ibang modus at istilo ng mga mapanlinlang para makapangulimbat sa kapwa.
Lalo na nga’t bigayan na ng 13th month at mga bonus ng mga manggagawa, na yan din ang hinihintay na pagkakaton ng mga kawatan para makarami ng bibiktimahin.
Huwag nating hayaan na mapagtagumpayan ng mga ito, ibayong pag-iingat ang dapat na isagawa para mabigo sila sa mga masamang balak.