TAUN-TAON, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa at karamihan sa mga ito ay mapaminsala. Kailangang ilikas ang mga taong apektado ng bagyo upang maiwasan ang trahedya. Bukod sa bagyo, tumatama rin ang lindol at mga pagbaha at pagguho ng lupa. Pero sa kabila ng mga nangyayaring ganito, dedma ang mga naging pinuno ng bansa at walang kumilos para sa pagpapagawa ng evacuation center.
Walang ginawa ang mga presidenteng sina Gloria Arroyo, Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte. Hindi sila nagsikap na makapagtayo ng evacuation center na sa anumang sandali pagtama ng kalamidad ay may masisilungan ang mga apektadong residente.
Mas ginusto pa nilang i-evacuate ang mga tao sa eskuwelahan at mga covered court na siksikan at nagkakahawahan ng sakit. Ang mga walang masilungan, pinipili na lamang na huwag umalis sa kani-kanilang mga bahay kaya naman marami ang nadidisgrasya—nalulunod at natatabunan ng lupa at putik kasama ng kanilang bahay.
Nang tumama ang Bagyong Paeng noong nakaraang linggo sa maraming bahagi ng bansa—Mindanao hanggang Luzon—naging problema na naman ang pagdadalhan sa mga taong apektado ng baha at pagguho ng lupa. Umabot na sa mahigit 155 ang namatay sa pananalasa ng bagyong Paeng at 35 pa ang nawawala.
Dahil walang ibang pagdadalhan sa mga biktima ng bagyo, sa mga eskuwelahan na naman sila dinala para makasilong. Napuno na naman ang mga eskuwelahan ng evacuees kaya apektado ang pag-aaral ng mga bata na nagsimula na sa face-to-face classes noong Nobyembre 2. Walang magamit ang mga bata dahil hanggang ngayon mayroon pang evacuees sa mga school.
Mayroon namang mga classroom na sinira at dinumihan ng evacuees. Gaya ng school sa Muntinlupa na sinira ang blackboard, silya, dingding at nag-iwan nang maraming basura. Nagalit si Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa nangyari.
Sikapin sana ng kasalukuyang administrasyon na makapagpatayo ng permanenteng evacuation centers sa bawat barangay. Ang Pilipinas ay forever nang babayuhin ng bagyo, yayanigin ng lindol at raragasa ang baha at pagguho ng lupa. Taun-taon, malalakas na bagyo ang tumatama kaya nararapat nang magkaroon nang matibay na evacuation centers. Huwag nang gamitin ang mga school sapagkat ginagamit ito ng mga bata. Magkaroon ng sariling evacuation center para anumang oras ay may masisilungan ang mga apektado ng kalamidad. Iprayoridad ito ng pamahalaang Marcos sa lalong madaling panahon.