Salamin
SUNOD-SUNOD ang mga pagsubok sa buhay ni Carla habang naninirahan siya sa Korea—apat na buwan pa lang ang fetus sa kanyang tiyan pero binawian na ito ng buhay. Niraspa siya ngunit walang anaesthesia na ginamit dahil ang napangasawa niyang Koreano ay miyembro ng isang kulto na bawal gumamit ng gamot na pampangimi. Sa halip na kemikal, halamang gamot ang ginamit kay Carla. Ngunit hindi iyon nakasapat upang mawala ang sakit. Halos mabaliw si Carla sa sakit habang niraraspa. Ang baby na hindi pinalad na mabuhay ay first baby sana nila.
Tatlong buwan pagkaraang siya ay raspahin, natuklasan niyang may babae ang Koreanong asawa. Nagtalo sila hanggang sa magkapisikalan. Nagpalakas lamang siya ng isang linggo pagkatapos bugbugin at saka inasikaso ang pagbabalik niya sa Pilipinas. Nakauwi siya nang hindi nalaman ng asawa. Sa loob ng limang taon pakikisama sa mayamang Koreano, lihim niya itong kinukupitan ng pera sa vault. Mula sa kinupit sa asawa, nakapag-ipon siya ng katumbas ng 10 milyong piso. Sapat na iyon para magsimula ng panibagong buhay sa Pilipinas.
Pagdating sa Pilipinas ay tumuloy siya sa bahay ng kaisa-isa niyang kapatid na matandang dalaga. Ulila na sila sa magulang kaya sila na lamang ang nagdadamayan sa mundong ito. Sa isang buwan niyang paninirahan sa bahay ng kanyang ate, napapansin niya na tuwing mananalamin sa kahit anong mirror ng bahay, isang magandang babae ang nagpapakita sa salamin Maputing banyaga ang babae. Sa umpisa ay maganda ito pero habang tumatagal ay nagmumukha itong bangkay na naaagnas.
Isang gabing nag-iisa sa bahay si Carla, may narinig siyang tila nabasag na salamin sa bandang salas. Paglabas niya sa kuwarto upang tingnan kung ano ang nangyari, ang asawang Koreano na may hawak na patalim ang bumungad sa kanya sa salas. Nang magtangka siyang tumakbo palayo, nahagip ng asawa ang mahaba niyang buhok at ibinalibag siya sa dinding kung saan nakasabit ang malaking mirror.
Lalapitan sana ulit siya ng asawa pero napaurong ito nang may makita ito sa mirror. Nanlaki ang mga mata nito at tumakbo palabas ng bahay ngunit nadulas sa nagkalat na bubog ng binasag niyang bintana kanina. Pagbagsak ng Koreano sa sahig ay aksidenteng tumusok sa puso niya ang patalim na hawak. Agad itong namatay. Nakiusap ang pamilya ng Koreano na huwag nang ipa-media ni Carla ang nangyari dahil natatakot silang makarating ito sa kanilang lugar sa Korea. Binigyan nila ng malaking halaga si Carla para manahimik.
Sinaliksik ni Carla ang history ng apartment na tinitirhan nila at nalaman niyang dating tenant ang Amerikanang nagmumulto sa salamin. Biktima siya ng akyat bahay gang. Umalis na ang magkapatid sa apartment pagkatapos bumili ng condominium.
- Latest