EDITORYAL - Regular earthquake drill, gawin din sana
LAHAT nang kalamidad ay tumatama sa Pilipinas. Bukod sa bagyo, madalas ding tamaan ng lindol. Napapaligiran ang Pilipinas ng “ring of fire” at mga bulkan kaya may mga paggalaw ng lupa at pagyanig. Walang pinipili ang lindol kaya nararapat na paghandaan ng mamamayan. Hindi katulad ng bagyo, biglang dumarating ang lindol na walang babala.
Noong nakaraang linggo, tinamaan na naman ng lindol ang Abra na may lakas na magnitude 6.4 at ikinamatay ng 11 katao. Maraming nawasak na gusali at simbahan. Maraming bahay ang nagkabitak.
Noong nakaraang Hulyo, niyanig na ang Abra ng magnitude 7.0 na lindol na ikinamatay ng 11 at higit 600 ang nasugatan. Marami ring nawasak na bahay.
Ayon sa report ng Abra-Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang mga bayan na grabeng nasalanta ay ang Lagayan, San Quintin at San Juan. Ayon din sa report, karamihan sa mga namatay ay naguhuan ng mga nawasak nilang bahay. Apat na biktima ang natagpuan sa ilalim ng nagibang bahay. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sentro ng lindol ay naitala 7 kilometro sa hilagang silangan ng Lagayan, Abra.
Karamihan sa mga residente ay nagkaroon ng trauma kaya ayaw pang bumalik sa kanilang bahay. Karamihan ay nagtayo ng tent sa bakuran at doon pansamantalang natutulog. Natatakot sila na muling lumindol kaya mas gusto pang nasa labas ng bahay para ligtas.
Sa mga kuha ng CCTVs, nakita ang pagkataranta o pagpa-panic ng mga residente na hindi malaman kung saan susuling o magtatago. Sa halip na mag-duck, cover and hold, nagtatakbuhan sila na mas delikado sapagkat maaring mabagsakan ng mga nabasag na salamin, kahoy, bato o hollowblock. Sa mga nakaraang insidente ng lindol, mas marami ang namatay dahil sa pagpapanik kaysa napinsala ng lindol.
Ang regular na earthquake drill ay nararapat na buhayin. Mula nang magkapandemya, ang quake drill ay hindi na ginagawa. Mabuting maibalik ang drill lalo na sa mga school. Mahalaga ang may kahandaan sa lindol upang maiwasan ang malalagim na trahedya. Ipinaalala rin sa lahat na kapag lumindol, huwag gagamit ng elevator at mas mabuti pang maghagdan na lamang.
- Latest