MARAMI ang hindi nakaaalam ng katotohanan na si St. Anthony de Padua ay taga-Portugal. Tinawag lang siyang De Padua dahil inilibing siya sa Padua, Italy.
Siya ay namatay noong June 13, 1231. Inilibing siya sa isang maliit na simbahan, sa Padua, ang Church of St. Mary. Magmula noong siya ay maging santo, maraming turista ang dumarayo sa St. Mary kaya naging problema ang kaliitan ng simbahan. Nagpasya ang mga paring namamahala na magpagawa ng mas malaking simbahan upang doon ilipat ang kanyang labi.
Noong 1263, itinayo ang Basilica. Kailangang buksan ang ataul ni St. Anthony upang mailipat ito sa mas maayos na himlayan upang maipatong sa altar ng bagong tayong Basilica. Mga matataas na opisyal ng Simbahan ang nakaharap nang buksan ang libingan ng santo, isa na rito ang Minister General ng Franciscans na nagmula pa sa Rome – si Bonaventure of Bagnoregio, isang dakilang theologian na naging santo rin.
Nang buksan ang ataul, may napansing kakaiba ang mga naroon. Pulos kalansay ng santo ang tumambad sa kanila ngunit may maliit na mamula-mulang laman na nakakabit sa bandang ibaba ng bungo. Dinampot ni Padre Bonaventure ang laman at dahan-dahang inilagay sa kanyang palad.
Pagkatapos pagmasdan ng lahat ng taong naroon sa simbahan, napagtanto nila na iyon ay dila ng santo. Nanatiling sariwa ang dila ng santo. Naisip nila na iyon ay senyales na dapat kilalanin si St. Anthony sa kanyang pagiging mahusay na preacher at educator na naging gawain niya noong siya ay nabubuhay pa.
Sa sobrang kagalakan ni Padre Bonaventure na ngayon ay St. Bonaventure ay nasambit niya ang mga sumusunod :
O Lingua benedicta, quae Dominum semper benedictisti et alios benedicere fecisti: nunc manifeste apparet quanti meriti extitisti apud Deum.
Ibig sabihin:
O blessed tongue, you have always praised the Lord and led others to praise him! Now we can clearly see how great indeed have been your merits before God.
Ngayon ay nakadispley ang kalansay ni St. Anthony sa Basilica. Nakadispley din sa altar ang dila na nanatiling sariwa ngunit ito ay nakahiwalay sa katabing chapel ng Basilica.