MATAGAL nang tradisyon sa Pilipinas ang paggunita sa mga patay tuwing Nobyembre 1 kahit opisyal na tawag sa petsang ito ay Araw ng mga Santo. Dapat sana ginagawa ito sa Nobyembre 2 na siyang tinatawag na Araw ng mga Kaluluwa pero tila hindi na nabago ang ganitong kalakaran. Gayunman, tila wala na rin namang saysay na mabago ang nakagawiang kalakarang ito dahil marami nang mamamayan ang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga patay ilang araw o linggo bago sumapit ang Nobyembre 1 o kaya pagkalipas na ng petsang ito para makaiwas sa pagsisikip sa mga sementeryo dahil sa pagdagsa ng napakaraming mga tao.
Sa paglaki ng populasyon, hindi talaga maiiwasan ang pagsisikip sa mga sementeryo lalo na kapag panahon ng Undas. Sa mga taong dumadalaw at sa mga patay na nakalibing dito. Isang reyalidad sa maraming sementeryo na merong mga nitso o libingan na tinatanggal ang mga buto o kalansay ng nakalibing dito kung wala nang nagmamantini o wala nang dumadalaw sa napakahabang panahon para mailaan ito sa ibang naghahanap ng mapaglilibingan ng kanilang patay.
Pero may isang klase ng libingan na bagaman hindi pa masyadong popular dahil napakamahal. Ito ang sementeryo sa kalawakan. Mula pa noong dekada ’90, meron nang mga patay na inililibing sa labas ng Daigdig sa tulong ng agham at teknolohiya. Kalimitan ito sa ibang mauunlad na bansa tulad sa U.S. Konti pa lang naman ang kumakagat sa ganitong paraan ng paglilibing. Meron na ngang mga pumanaw na celebrities at ibang personalidad na nakalagak sa kalawakan ang labi.
Hindi naman aktuwal na katawan o bangkay ng patay na tao ang pinapalutang sa kalawakan o inilalagak sa ibang planeta. Kini-cremate ito at ang abo ay isinisilid sa kahon na ipapasok sa isang spacecraft. Merong labi na hinahayaan na lang lumutang sa orbit ng daigdig hanggang sa pabalikin ito sa lupa. Iyong ibang pinababalik, hindi naman nakakalapag sa lupa dahil nasusunog na ito sa atmosphere ng daigdig. Meron namang dinadala sa buwan halimbawa at doon ilalagak ang abo na nasa isang capsule. Ang iba, hinahayaan na lang makarating saan mang sulok ng kalawakan na maaari nitong maging hangganan.
Sa sitwasyon dito sa daigdig na merong mga sementeryong lubha nang masikip sa sobrang dami ng nakalibing na mga patay at hindi na sapat na merong mga apartment-type na nitso, maituturing na isang alternatibo ang ibang bahagi ng kalawakan. Lalo na kung panahon ng Undas na bukod sa dami ng mga patay ay ang dami rin ng mga dumadalaw sa mga ito.
Lubha nga lang magastos ang pagpapalibing sa labas ng daigdig na hindi naman kakayanin ng nakararaming mamamayan ng ating planeta. Lalo ring mahirap kung dadalawin mo ang patay sa malayong sulok ng universe na kinalilibingan nito. Pero hindi natin masasabi ang mangyayari sa hinaharap. Baka dumating ang panahon na maging karaniwan na lang ang sementeryo sa kalawakan.
Lalo na ngayong ilang taon na lang ay maaaring maisakatuparan na ang binabalak na pagtatayo ng kolonya ng tao sa Buwan na magiging tuntungan para makapagpadala ng tao sa Mars. Aktibo sa ganitong hakbang ang U.S. at mga kaalyado nitong bansa tulad ng United Kingdom at Canada at China. Nagagawa na nga rin ang tinatawag na Space Tourism o pagpapadala ng mga sibilyan na nais mamasyal sa orbit ng ating planeta. At kasabay nga ng ganitong mga pangyayari sa pagsulong ng siyensiya at teknolohiya ang konsepto ng libingan sa kalawakan o outer space.
Hindi naman kataka-taka kung may mga isyu, negatibo o positibong pananaw o mga debate o argumento hinggil sa “sementeryo” sa kalawakan. Maganda pa rin na nakakadalaw ka sa puntod ng namayapa mong mahal sa buhay o kahit sa urna ng abo ng patay na nakalagak sa isang mortuary o maaaring sa isang lugar. Parang personal mong nakakausap ang isang patay.
Sa kaso ng cremation, may mga abo ng patay na isinasaboy sa dagat, ilog, bundok o iba pang lugar kaya sa halip na magtungo sa sementeryo ay maaari na lang siyang ipagdasal ng mga naiwan nila dito sa lupa lalo na kapag araw ng Undas kahit nasaang lugar sila. Ganito rin marahil ang mangyayari o nangyayari kung ang abo ng patay ay ipinadala sa kalawakan. Maaari na lang siyang ipagdasal o ipagpamisa. Siyempre pa, ang ganitong konsepto ng libingan ay hindi matatanggap ng mga hindi pumapabor sa cremation.
Matagal-tagal na rin namang umiiral ang konseptong iyon sa libingan sa kalawakan. Matagal na pero tila parang bago sa pandinig ng mga hindi pa nakababatid hinggil dito. Hindi pa nga lang gaanong malaganap sa buong mundo sa iba’t ibang kadahilanan. Pero masasabing isa itong alternatibo sa mga sementeryo sa lupa. Dagdag sa mga mapagpipilian ng isang tao kung saan o paano siya ililibing kapag namatay.
• • • • • •
Email: rmb2012x@gmail.com