NOONG 1974, gumawa si Jack Nicholson ng isang pelikula kung saan siya ang bidang lalaki at si Faye Dunaway ang kanyang leading lady. Si Jack Nicholson ay mas matatandaan bilang Joker sa 1989 Batman Film. Ang pamagat ng pelikulang pinagtambalan nila ni Faye ay Chinatown. Ang screenwriter ay si Robert Towne, samantalang ang director ay ang magaling na si Roman Polanski.
Sa Chinatown, si Jack ay gumanap na private investigator na nagkaroon ng romantic relationship sa karakter ni Faye. Ang malaking rebelasyon sa karakter ni Faye ay ginahasa siya ng kanyang sariling ama na nagbunga ng anak na babae. Upang makaiwas sa kahihiyan ang pamilya, pinalaki ang bata sa paniwalang ate niya si Faye.
Sa original na script, papatayin ng karakter ni Faye ang kanyang ama dahil nakikita niya ang mga senyales na gagahasain din nito ang kanyang anak. Subalit pinalitan ito ng direktor na si Roman Polanski. Cliché na raw iyon. Gamit na gamit na raw ang ganoong plot. Pinalitan ng direktor ang ending kung saan si Faye ang pinatay ng ama kaya malaya na niyang magagawa ang bawat naisin sa anak nitong babae. Ang kontrabidang rapist ang nagtagumpay sa katapusan ng pelikula.
Matapos maipalabas ang Chinatown, naisipan ng Time Magazine na gumawa ng cover story tungkol kay Jack Nicholson. Kahit noon pa man, pinahahalagahan ni Jack ang kanyang privacy, ngunit may magagawa ba siya sa galing mag-research ng staff ng Time Magazine?
Dito nagsimulang sumabog ang lihim ng pamilya Nicholson na kahit si Jack ay nayanig sa natuklasan. Ang kanyang tinatawag na Mommy at Daddy ay mga lola at lolo pala niya. Ang tinatawag niyang ate ay ang biological mother niya. Taon 1937 siya ipinanganak ng kanyang ina na teenager pa lang ng panahong iyon, kaya’t malaking kaimoralan sa kanilang komunidad ang pagbubuntis ng isang 16 years old. Ang pagkakaiba lang ng istorya ng pagbubuntis ng kanyang ina, sa karakter ni Faye Dunaway sa pelikula, ay boyfriend ang nakabuntis sa kanyang ina.
Pagkaraan ng tatlong taon, nakasuhan naman ng rape ang direktor ng pelikula, si Roman Polanski, na noon ay 43 years old. Ang nagreklamo ay isang 13-year old na dalagita na kinuha niyang model sa magazine. Kaya pala pinalitan niya ang ending ng pelikula, kung saan nagtagumpay ang isang pedopilya, ay may nabubuo nang pagkapedopilya sa kanyang pagkatao. Hindi na kailangan ang multo o monster para masabing ang kuwento ay isang hiwaga. Kahit itanong n’yo kay Jack Nicholson at Roman Polanski.