HINDI inasahan ng 2-taong gulang na si Cyrus Majidian na magkakaroon ng isang “special guest” ang kanyang birthday party.
Masayang nagdiriwang ang nasa mahigit dalawang dosenang kamag-anak at kaibigan ng Majidian family sa bakuran ng kanilang tahanan sa West Hartford, Connecticut nang biglang may lumitaw na oso sa kanilang party.
Kasalukuyang naglalaro ng party games ang mga guests nang nagpakita ang oso kaya mabilis na pinapasok ng mga magulang ang mga bata sa loob ng bahay. Kahit sinigawan at itinataboy ng mga nakatatandang party guest ang oso, hindi nito ininda ang mga pananakot at dumiretso ito sa mesa kung nasaan ang mga handa.
Sa panayam sa ina ng birthday celebrant, nanggaling ang oso mula sa kakahuyan malapit sa kanilang bahay. Hindi nagpapakita ng pagiging mabangis ang oso at kalmado pa itong naglakad papunta sa picnic table at agad nitong kinain ang handang cupcakes.
Walang nasaktan na party guests ngunit nababahala ang pamilya Majidian na ganito na ang “new normal” sa kanilang lugar kung saan pangkaraniwan na ang paglitaw ng mga gutom na oso sa kanilang mga bakuran.
Hinihikayat ng U.S. Department of Energy and Environmental Protection na kapag nakakita ng oso, ang pinakaligtas na paraan para itaboy ito ay sigawan at gumawa nang malakas na ingay.