EDITORYAL - Kaso ng ­kidnapping parami nang ­parami

NAKABABAHALA ang sinabi ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PCCCII) na 56 kidnapping incidents na ang naganap at ang mga biktima ay Pilipino at Chinese nationals. Mayroon ding mga kabataang babae at bata na kinidnap. Ayon sa presidente ng PCCCII na si Lugene Ang, malupit umano ang mga kidnaper sapagkat tino-torture at niri-rape ang biktima kapag hindi nakapagbigay ng ransom. Ayon pa kay Ang, ibinebenta ng mga kidnaper ang kanilang biktima sa ibang kidnap groups.

Noong nakaraang linggo, naging usap-usapan ang pagkidnap at pagpatay sa chief executive officer ng Eraseth Pharma na si Eduardo Tolosa Jr. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Tolosa sa isang probinsiya tatlong araw makaraang kidnapin. Ayon sa report, nang kidnapin si Tolosa, may dala itong P5.7 milyong cash at dalawang mamahaling relos.

Bukod sa mga kasong ito, napabalita rin ang mga pagkidnap sa mga dalagita sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Ang mga napabalitang pangingidnap na isiniwalat ng PCCCII ay agad namang pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) deputy director Jose Chiquito Malayo. Ayon kay Malayo, apat na kidnapping incidents lamang ang nareport ngayong taon. Ganunman, sinabi ng PNP Anti-kidnapping group na may 27 kidnapping incidents mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon at karamihan sa mga biktima ay empleyado ng Philippine offshore gaming operators (POGO).

Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayaring ito at walang ibang dapat kumilos kundi ang Philippine National Police. Protektahan ang mamamayan sa mga ganitong criminal activities. Ngayong “ber” months, tiyak na aariba pa hindi lamang mga kidnappers kundi pati ang iba pang “halang ang kaluluwa”. Maging alerto sana ang PNP sa lahat ng pagkakataon upang ganap na mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan. Panatilihin ang regular na pagkakaroon ng mga pulis sa kalye at hindi sana maging “ningas kugon”.

Show comments