MAYROON palang mga nurses sa private hospital na sumuweldo lamang ng P19,000 bawat buwan. Sa maliit na suweldong ito ay hindi pa nakakaltas ang tax, SSS at Pag-IBIG contributions. Kaya karampot na lang ang matitira sa mga kawawang nurses na tinuring pa namang mga “bagong bayani” dahil sa paglilingkod nila ngayong panahon ng pandemya. Mabuti at napagkakasya pa ng mga nurse sa pribadong ospital ang kanilang karampot na suweldo. Paano kung may pamilya ang nurse? Paano kung may sinusuportahang magulang o kapatid?
Mas nakalalamang ng kaunti ang mga nasa pampublikong ospital dahil ang mga nurse dito ay sumusuweldo ng P30,000. Mataas-taas na ang suweldong ito subalit kapos pa rin dahil sa taas ng bilihin sa kasalukuyan. Paano kung pamilyado at may sinusuportahan ang mga nurses sa public hospital? Kulang na kulang ang suweldo nila.
Noong Martes, nagprotesta ang healthcare workers (HCWs) sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH) at hiniling na i-release na ang kanilang One COVID Allowance para sa Enero hanggang Hunyo 2022. Pero meron pa rin umanong hindi natatanggap ang kanilang allowance para sa Hulyo hanggang Disyembre 2021. Ang pagbibigay ng allowance ay nasa batas (RA 11712) na nilagdaan ni dating President Duterte noong nakaraang taon.
Mababa na ang suweldo ng mga nurses at iba pang HCWs pero pati ang kanilang allowances ay hindi maibigay sa oras. Nakakaawa ang kalagayan ng mga nurses.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni President Ferdinand Marcos na papantayin ang sahod ng nurses sa private at public hospitals. Sana tuparin ang sinabi at kung maaari gawing P50,000 ang suweldo ng nurses. Kung susuweldo sila nang sapat, hindi na sila maghahangad mangibang bansa para doon maghanapbuhay.