Wanted: Mga alipin ng bayan
LINGKOD-BAYAN ang tawag natin sa mga empleyado ng gobyerno, itinalaga man o inihalal. Ibig sabihin ng lingkod ay tagapagsilbi o alila. Pero sa totoo lang, sila ba’y astang alila o bossing? Alipin ba o hari?
Ang gobyerno ang pinakamalaking employer sa Pilipinas, one-third ng pondo ng gobyerno ay napupunta sa suweldo ng mga empleyado. Noong araw, walang taong nangangarap yumaman ang pipiliin ang magtrabaho sa gobyerno dahil maliit ang suweldo. Maliit ang suweldo, pero napakataas naman ng paggalang ng publiko sa mga taong-gobyerno.
Ngayon, baliktad na, ang mga gustong yumaman, nangangarap magtrabaho sa gobyerno. Ang dahilan, bukod kasi sa suweldo ay may tinatawag pang sahod na mas malaki kaysa suweldo. Ang sahod ay nasa iba’t ibang porma: kickback, lagay, overpricing, kotong, komisyon, SOP—lahat ng iyan ay porma ng sahod. Kaya kung gagawa lamang ng totohanang lifestyle check sa mga taong-gobyerno, lalo na sa mga ahensya na tulad ng BIR, Customs at DPWH, marami ang makakasuhan, sapagkat ang istilo ng pamumuhay ay hindi kayang tustusan ng sinusuweldo. Kasi nga, may sahod!
Kapag masama ang serbisyo, ang karaniwang maririnig natin ay gobyerno kasi. Kapag napakabagal ng transaksyon, gobyerno kasi. Kapag mababa ang kalidad ng trabaho, gobyerno kasi. Kapag kaliwa’t kanan ang lagayan, gobyerno kasi. Nakalulungkot na ganito ang nagiging pangkalahatang impresyon, gayong napakarami namang matitinong taong-gobyerno.
Napakasuwerte ng mga nasa gobyerno. Noong dalawang-taong lockdown, tuloy ang kanilang suweldo, bagamat baka nabawasan ang sahod. Sa kabilang-dako, marami sa pribadong sektor ang nawalan ng trabaho o kaya naman ay nabawasan ang kinikita. Kapag may kalamidad na tulad ng bagyo o baha, ang unang pinauuwi ay mga taong-gobyerno, samantalang ang taong-bayan na amo nila ay patuloy pa sa pagkayod. Dapat lamang sanang mahalin ng mga nasa gobyerno ang kanilang trabaho at ang nagpapasuweldo sa kanila—ang taong-bayan.
Plano ng kasalukuyang administrasyon na magpatupad ng right-sizing sa gobyerno. Ibig sabihin, babawasan ang mga ahensiya o may mga ahensiyang pagsasamahin upang lumiit ang bilang ng mga empleyado para makatipid sa gastusin. Talaga namang sobra-sobra ang bilang ng mga empleyado ng gobyerno. Pero hindi ko maintindihan, sa Kongreso ay nakapila ang mga panukalang-batas na pagtatayo ng mga bagong departamento na tulad ng Department of Water Resources and Services at Department of Disaster Resilience. Nauna rito, isang bagong departamento ang naitatag na, ang Department of Migrant Workers.
Bago sana magpatupad ng right-sizing o magtayo ng mga bagong departamento ay maglunsad ng totohanang moral recovery program upang magkaroon ng bagong imahe ang gobyerno, mabawi ang dating mataas na respeto sa mga taong-gobyerno, at ang mga lingkod-bayan ay tunay na maging mga tagapaglingkod kaysa pinaglilingkuran.
Sabi ng American politician na si Lee Hamilton, “Ang paglilingkod-bayan ay hindi lamang paraan ng pamumuhay, ito ang paraan para mabuhay nang lubos.” Kapag ganito ang naging takbo ng isip ng mga lingkod-bayan, mababalik ang mataas na respeto ng publiko sa mga taong-gobyerno. Sinabi naman ni Mahatma Gandhi, “Ang pinakamabisang paraan para matagpuan ang sarili ay ang mawala ang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.” Kapag nagkaganito, ang mga lingkod-bayan ay talagang magiging mga alipin ng bayan. Sila ang kailangan natin para sa ating totoong pagsulong at pag-unlad.
- Latest