GINANAP kamakailan sa bayan ng Brezna sa bansang Montenegro ang taunang “Lying Down Championship’’. Ito ay isang kakaibang kompetisyon kung saan kokoronahan ang pinakamatagal humilata.
Ngayong ika-12 taon ng kompetisyon, siyam na contestants ang naglaban-laban sa paghiga ngayong taon at naganap ang kompetisyon sa isang local park sa Brezna.
Isang lalaki na nagngangalang Zarko Pejanovic ang tinanghal na kampeon matapos siyang makatagal sa paghiga sa loob ng 60 oras o dalawa’t kalahating araw.
Sa panayam kay Pejanovic, mahilig talaga siyang humiga sa kanilang bahay kaya sisiw lang sa kanya ang 60 oras na paghiga. Dagdag pa niya, madali lamang ito sa kanya dahil pinahihintulutan naman ng organizers ng contest na magkaroon sila ng bathroom break. Bukod dito, maaari rin silang magdala ng malambot na unan, libro at cell phone para hindi sila mainip.
Ang lying down championship ay sinimulan ni Radoje Blagojevic. Ginawa niya ang contest na ito dahil sa biro na ang mga Montenegrins daw ay mga tamad at mahilig humilata.
Sa taong ito, nag-uwi ang champion na si Pejanovic ng 350 Euros, lunch for two sa isang mamahaling restaurant, one night stay sa isang Montenegro ethnic village at rafting experience.