Ghostwriting

AKALA ko, kathang isip  lamang ang pangyayari na sumasapi ang kaluluwa ng namatay na manunulat sa katawan ng isang taong hindi manunulat. Ang taong sinapian, bagama’t walang karanasan sa pagsusulat ng kuwento, ay biglang n­aging mahusay na nobelista. At nobela pa ang kanyang sinulat!

Ang sikat na English writer na si Charles Dickens ay sumusulat ng serialized novel sa magasin. May kasalukuyan siyang tumatakbong nobela nang mamatay siya noong June 9, 1870. Ang nobela ay may pamagat na The Mystery of Edwin Drood. Bago namatay, mga six chapters pa lang ang kanyang nailathala kaya maraming fans ni Dickens ang nabitin sa nobela. Ayon sa publisher, nabanggit sa kanya ni Dickens na aabutin ng 12 chapters ang nobela kaya kalahati pa ang hindi niya natapos. Ang pang-librong nobela lamang ang tinatapos nang kumpleto bago ito ilathala. Pero kung pang-magasin ang nobela, ang chapter lamang na ilalathala sa linggong iyon (kung weekly ang magasin) ang tinatapos sulatin ng awtor.

Noong 1872, isang lalaking nagngangalang Thomas James ay napabalitang “kinokontak” daw siya sa espiritu ni Charles Dickens at inuutusan na siya ang tumapos ng nobelang naiwan. Nagtataka si James kung bakit siya ang napili samantalang hindi siya manunulat at nagtatrabaho lang sa isang printing press. Isang espiritista ang naging interesado at tinulungan si James na makipag-ugnayan sa kaluluwa ni Dickens.

Pinatira nang libre ng espiritista sa kanilang bahay si James para masubaybayan niya ito tuwing sasapian ng kaluluwa ni Dickens. Ang nangyari kay James ay ang tinatawag na “ghostwriting”. Natapos ang nobela noong 1873 at isinalibro ito.  Marami ang humanga sa naging “continuation” na ginawa ni James. Naging hit ang nobela sa U.S.

Maraming nagpapatunay na walang talent sa pagsusulat  si James. Sa katunayan, marami siyang natanggap na offer na muling sumulat ng nobela ngunit ang mga ito ay kanyang tinanggihan dahil wala talaga siyang kakayahang magsulat ng nobela. Ang ilang nobela ni Charles Dickens ay The Adventures of Oliver Twist; David Copperfield; at A Christmas Carol.

              

Show comments