DAHIL sa matinding heatwave sa Spain na umabot sa 45 degrees Celsius ang temperatura, nangamba ang mga zookeepers sa Madrid Zoo para sa kaligtasan ng kanilang mga inaalagaang mga hayop doon. Lalo na sa mga species na hindi sanay sa mainit na temperatura tulad ng panda.
Kaya naisipan ng mga namamahala ng zoo na dagdagan ng ice drop ang diet ng kanilang celebrity animal na si Bing Xing the giant panda. Bukod sa pang-araw-araw na pakain kay Bing Xing na 50 kilos ng fresh bamboo, pinakakain na rin ito ng ice drop na gawa sa sariwang pakwan.
Bukod kay Bing Xing, ang mga lion sa Madrid zoo ay pinakakain ng frozen meat at ang mga seal naman ay frozen fish.
Ayon sa spokesperson ng Madrid Zoo, nabahala sila dahil mahigit 500 katao ang namatay sa matinding heatwave sa buong Spain. Kaya nangangamba sila sa kaligtasan ng main attraction ng kanilang zoo na mga panda. Nanggaling ang mga ito sa China at hindi sanay sa mainit na klima kaya naisipan nila na dagdagan ng ice drop ang diet ng mga ito.
Sa kasalukuyan, ligtas at walang nanganib na mga hayop sa Madrid Zoo.