Maari bang bawasan ng employer ang aming sahod nang basta-basta?
Dear Attorney,
Tama po ba ang bagong policy ng kompanya namin? May dagdag na kasing P50 na kaltas kada oras ang sinasahod namin sakaling late ang empleyado. Ito ay bukod pa sa regular na binabawas mula sa hourly namin. Ito ay para raw mabawasan na ang mga palaging late sa trabaho pero hindi naman nila sinabi kung paano nila na-compute ang dagdag na P50 na kaltas. —Kaye
Dear Kaye,
Ayon sa Labor Code, maari lamang bawasan ng employer ang sinasahod ng empleyado kung ito ay para sa (1) pagbabayad ng premium para sa insurance ng empleyado, na kinuha ng may pahintulot niya; (2) union dues; o (3) kung ito ay pinahihintulutan ng batas o ng mga regulasyong inisyu ng Secretary of Labor and Employment.
Sapat na dapat yung ibinabawas sa kinikita n’yo bawat oras sakaling kayo’y late ng dumating sa opisina. Proportional dapat o nakaayon sa kung gaano kayo katagal na-late ang halaga na ibabawas mula sa inyong sinasahod kada oras. Hindi dapat arbitrary o base lamang sa kapritso ng employer ang pagdetermina ng halagang babawasin mula sa sahod ng empleyado.
Kaya kung ipagpapatuloy ng kompanya n’yo ang pagpapataw ng karagdagang 50 pesos na kaltas sa sahod gayong wala naman itong basehan ay malinaw na paglabag ito sa nakasaad sa Labor Code at sa karapatan ng mga empleyado kaya maaring maharap ang employer n’yo sa reklamo.
- Latest